307 total views
Nais ng Simbahang Katolika na lalo pang pagtuunan ng pansin ang suliranin sa mental health sa bansa.
Ito ang tiniyak ni CBCP Epsicopal Commission on Health Care Executive Secretary Rev. Fr. Dan Cancino, MI kaugnay sa napapanahong pagtugon sa isyu ng mental health ng mga Pilipino kung saan aminado siya na marami pa ang hindi bukas sa pagharap sa nasabing usapin.
Aminado si Fr. Cancino na dahil sa maraming pagsubok na pinagdadaanan ng marami sa ating mga kababayan ay nagreresulta ito sa suliranin sa kaisipan na kung minsan ay nauuwi pa sa pagkitil ng sariling buhay.
Malaking epekto din aniya ang pandemya at kawalan ng hanapbuhay sa pagkakaroon ng mental health o depression ng isang indibdiwal sa ngayon.
“Impact [din] ito ng COVID-19. Ibig sabihin maraming nawalan ng trabaho, maraming nagkaproblema sa pamilya, sa relasyon, maraming dumadaan sa pagsubok sa buhay at maraming tao nagkakaroon ng anxiety depression at may mga nbababalitaan tayo na kinikitil ang sariling buhay at dito papasok ang Simbahan,” paliwanag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radyo Veritas.
Naniniwala ang Pari na malaki ang tungkulin ng Simbahan sa problema ito ng marami sa ating mga kababayan lalo na’t iilan lamang ang nagpapahayag ng pag-ako sa nasabing kondisyon.
“Nariyan naman parati ang Simbahan [Katolika] para magbukas at maging kamanlalakabay at itatag itong mental health program na ito,” dagdag pa ng paring doktor.
Plano ng Komisyon na dalhin sa mga komunidad ang usapin sa mental health at depressionat alisin ang maling paniniwala sa pagharap sa usaping ito.
“Dadalhin [natin] ito sa community level, dati ito ay sa facility level, pupunta ka sa ospital, gusto natin tanggalin yun stigma at diskrisminasyon na kapag pupunta ka sa psychologist o counselor ay may problema sa pag-iisip.”
“Lahat tayo ay dumadaan sa pagsubok, kailangan natin ng ka-manlalakbay, kailangan natin ng kausap na makakasigurado tayo na kasama natin pagpasok sa dilim na dadaanan natin at kung ikaw ay nasa dilim mapagtatagumpayan mo yun dahil alam mo meron kang kasama,” magkasunod na pahayag ni Fr. Cancino.
Sa datos ng World Health Organization, tinatayang nasa 154 milyong Pilipino ang nakakaranas ng depresyon at iba pang mga suliranin sa isyung pangkaisipan.
Ang himpilan ng Radyo Veritas ay gumawa rin ng programa para matulungan ng Simbahan ang mga may suliranin sa mental health sa pamamagitan ng Catholink na maaaring tawagan sa numerong 8925-7931 local 117 o sa mobile number na 0917-639-7843.