307 total views
April 28, 2020-6:54pm
updated April 30, 2020-7:36am
Makikiisa ang limang alkalde ng Metro Manila sa Arkidiyosesis ng Maynila para sa pagtatalaga sa ilalim ng kalinga at pangangalaga ng Mahal Ina para sa kaligtasan ng mamamayan mula sa novel coronavirus.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, isang mahalagang pagkakataon ang pagkakaisa ng simbahan at mga pinuno ng pamahalaan para manalangin ng sama-sama at hilingin ang kaligtasan ng mamamayan mula sa nakakahawang sakit.
“In this time of crisis we need to help one another and to be assured of help from above,” bahagi ng liham ni Bishop Pabillo.
Ang misa ng pagtatalaga ay gaganapin alas-12 ng tanghali sa ika-13 ng Mayo, kasabay na rin ng pagdiriwang ng ika-103 anibersaryo ng Aparisyon ng Our Lady of
Fatima.
Dadalo din sa pagdiriwang ang mga alkalde ng mga lungsod na nasasakop ng arkidiyosesis kabilang na sina Mayors Francisco Domagoso ng Maynila; Carmelita Abalos ng Mandaluyong; Imelda Calixto-Rubiano ng Pasay; Abigail Binay ng Makati at Francisco Zamora ng San Juan.
Ayon kay Bishop Pabillo, dulot ng pandemya ay mahalagang magkaisa ang bawat isa sa pananalangin at hingin ang tulong ng Mahal na Ina upang bigyang proteksyon ang mamamayan laban sa nakakahawang sakit na Covid-19.
“It is good that we come together as religious and civil leaders to lead our people to make an Act of Consecrations,” bahagi ng liham ni Bishop Pabillo na ipinadala sa Metro Mayors.
Matapos ang misa, bawat alkalde ay hinihikayat na maghahandog ng bulaklak sa Mahal na Ina bilang pagpapakita ng pagpapaubaya sa kapangyarihan at kalinga ng Mahal na Birhen.
Sa aparisyon sa Fatima, Portugal tiniyak ng Mahal na Birhen sa mga batang pastol na sina Lucia, Francisco at Jacinta ang kaligtasan at tulong para sa mga taong magbabalik loob at mananalangin sa Panginoon.
Sa higit walong-libong kaso ng Covid-19 sa Pilipinas kabilang ang Metro Manila sa may mataas na naitalang bilang ng nagtataglay ng virus na siyang dahilan nang pagpapalawig ng Enhanced Community Quarantine ng hanggang sa ika-15 ng Mayo.