309 total views
Pinatutunayan ng Metrobank Group at GT Capital Holdings, Inc. na hindi lamang pagsasaya ang maaring gagawin sa pagdiriwang ng Chinese New Year.
Ayon kay Metrobank Foundation Chairman Aniceto Sobrepreña, mahalaga ring bigyang tuon ang tunay na diwa ng pagdiriwang na pagbibigayan lalo na sa higit nangangailangan sa lipunan.
“Gusto naming i-promote ang dalawang mukha ng Chinese New Year, una ang kasiyahan at higit sa lahat ang pagbabahaginan; beyond festivity, generosity,” pahayag ni Sobrepeña sa Radio Veritas.
Ika – 25 ng Enero nang isagawa ang taunang pamamahagi ng regalo o ‘Bags of Blessing’ para sa benepisyaryong higit nangangailangan sa buong bansa sa pangunguna ng GT Foundation, Inc. (GTFI), Ty family foundation, at Metrobank Foundation, Inc. (MBFI).
Ayon kay Sobrepreña sampung taon na ang proyekto na pinasimulan ng namayapang Metrobank group at founder Dr. George Ty Siao Kian na layong abutin ang mga mahihirap na pamilya sa pamayanan at maipadama ang diwa ng Chinese New Year.
Tiniyak ng Metrobank na ipagpatuloy pa hanggang sa mga susunod na taon ang pamamahagi sa mamamayan lalo na ang mga lugar na hindi pa naaabot ng kanilang adbokasiya.
“We would like to continue, pupuntahan namin yung mga lugar na hindi pa narating,” saad ni Sobrepreña. Pagbabahagi pa ng opisyal na sa loob ng isang dekada ng ‘Bags of Blessing’ nasa 80, 000 pamilya na ang nabahaginan ng tulong na mga grocery items na nagkakahalagang isanlibong piso.
Nagpasalamat ang grupo sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, Caritas Manila at Radio Veritas at iba pang grupo na naging katuwang sa proyekto partikular na ang pagpili ng mga karapat dapat na benepisyaryo.
Ngayong taon, 25 lunsod at bayan ang binisita ng Metrobank group upang isagawa ang adbokasiya kung saan sa Metro Manila ginanap ito sa Unibersidad de Manila at aabot sa 400 pamilya ang nakatanggap ng regalo.
Dumalo rin sa pagtitipon sina Metrobank Group chairman Arthur Ty; Federal Land chairman and GTFI president Alfred Ty; GTFI honorary chair Mary Ty; GTFI vice president Anjanette Dy Buncio; at Metrobank Foundation president Aniceto Sobrepeña.
Bukod dito ay dumalo rin si City of Manila Vice Mayor Dra. Honey Lacuna; Department of Social Welfare and Development (DSWD) regional director for NCR Vicente Gregorio Tomas; at Manila Department of Social Welfare Director Ma. Asuncion Fugoso.