214 total views
Nanawagan ang dating mambabatas sa mga abogado na maging katuwang sa mga testigo ng extra-judicial killings lalo’t nagbukas na nang pinto ang Simbahan bilang santuwaryo ng mga nais na maglahad ng kanilang nalalaman sa war against drugs ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Atty. Neri Colmenares, Presidente ng National Union of People’s Lawyers at dating kinatawan ng Bayan Muna Partylist, malaki ang maitutulong ng mga abogado para sa mga testigo lalo na sa hukuman.
“I really hope matibay ang loob nila, sana naman konsensya na lang talaga na hindi sila mapressure at magtestigo sila doon. And were glad that the church has offered sanctuary to them. At siguro mga lawyers, I’m also asking lawyers na tumulong sakaling may ganyan, para naman ma-record at masampa sa karampatang forum, sa korte o saan pa man ang mga kaso laban sa mga involved sa EJK,” ang pahayag ni Colmenares sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Paliwanag ni Colmenares, sa oras na tumestigo ang mga pulis laban sa war against drugs ng gobyerno ay isa itong malakas na ebidensya na state sponsored ang mga pagpaslang.
“Pangunahing problema diyan ay takot kasi walang awang pinatay ang kamag-anak nila, maari ding mangyari sa kanila. Pangalawa, ebidensya kasi lahat ng witnesses takot din magtestigo. Mabuti si Kian may CCTV. Ngayon kapag may pulis na pumasok at magsabing totoo iyan, di malakas na ebidensya ‘yun kasi eyewitness account ng isa mismong co-conspirator doon sa loob. Kapag meron nyan lalakas ang kaso at lalung mapapatunayan na ang Duterte administration, state sponsored ito at hindi lang gawa ng isang siraulong pulis,” ayon kay Colmenares.
Sa ulat may 13 libo na ang napapatay na may kaugnayan sa droga, kabilang na ang 4,000 katao na napatay dahil sa police operations.
Tinawag din ng dating mambabatas na ang nangyayaring pagpaslang sa mga drug addict ay pag-uusig laban sa mga mahihirap lalo’t kalimitan nang mga napapatay ay mula sa mababang antas ng lipunan.
Bukod sa pagiging santuwaryo, bumuo din ang simbahan ng mga community based rehabilitation bilang tugon sa problema ng bansa sa ilegal na droga, kabilang na dito ang Sanlakbay sa Pagbabago ng Buhay at Kaunting Pahinga ng Archdiocese of Manila, Salubong Caloocan ng Diocese ng Caloocan; Abot Kamay Alang-alang sa Pagbabago ng Diocese ng Novaliches at ang Pastoral Approach to Rehabilitation and Reformation ng Diocese ng Cubao.
Bago pa man ang kampanya ng administrasyon laban sa droga, higit sa 30 taon na rin ang programa ng Diocese ng Malolos sa mga lulong sa bisyo ang Galilee Homes na matatagpuan sa Dona Remedios Trinidad sa Angat, Bulacan at ang Fazenda sa Albay.