290 total views
Homiliya para sa Huwebes ng Ikalimang Linggo ng Kuwaresma, Ika-7 ng Abril 2022, Jn 8:51-59
Kailangang balikan natin ang mga naunang linya para mas maintindihan ang ating Gospel reading ngayon. Sinasagot kasi ni Hesus ang paratang sa kanya na siya daw ay “Samaritano at nasasaniban ng dimonyo.” Palagay ko ito ang dahilan kung bakit HUDYO (Jewish) ang tawag ni San Juan sa mga nagbabanta kay Hesus.
Noong una hindi ko ito gaanong maintindihan. Naisip ko tuloy na baka ito ang nagpasimula sa tendency ng ilang mga Kristiyano na maging ANTI-JEWISH o ANTI-SEMITIC. Kahit sa mga pabasa sa Pasyon kapag Mahal na Araw, madalas nating marinig ang salitang “HUDYO”. Na mga Hudyo raw ang nagpako kay Hesus sa krus. Paano mangyayari iyon kung nasa ilalim ng awtoridad ng Roman empire ang Jerusalem noong ipako si Hesus sa krus?
Iyun pala, merong dalawang kahulugan ang salitang HUDYO o YEHUD sa Hebreo. Pwedeng ito’y may kinalaman sa pagiging mamamayan ng Judea, at pwede rin itong tumukoy sa relihiyon ng buong bayang Israel, ang bansang sumasamba sa Diyos na si Yahweh. Mukhang mas sanay tayo sa pangalawa.
Paano ba magiging kalaban ni Hesus ang mga Hudyo kung Hudyo rin ang pananampalatayang kinagisnan niya? Gayundin ang buong pamilya niya, at halos lahat ng mga naunang mga alagad niya, pati ang labindalawang apostol?
Ang distinction na ito ay medyo hawig sa relasyon ng “Tagalog” at “Filipino”, o sa “Kastila” at “Espanyol”. Noong first time na napunta ako sa Barcelona, Spain, tinanong ako kung “Tagalog” daw ba ako. Sabi ko, hindi. Sabi ng nagtatanong, akala ko ba Filipino ka, edi Tagalog ang salita mo? Sabi ko, marunong ako ng Tagalog, at Filipino citizen nga ako, pero hindi lahat ng Filipino ay Tagalog. Medyo nalito siya. Sabi ko, Kapampangan ako, taga-Pampanga, isang rehiyon sa Central Luzon.
Para mawala ang pagkalito niya, ginamit kong halimbawa ang Kastila at Espanyol. Sabi ko, parang kayo rin, di ba? Kung tatanungin ko kayo kung Kastila ba kayo, siguradong sasabihin n’yo, hindi. Kung magri-react ako at sasabihin ko,”Akala ko ba Espanyol kayo?” Siguradong sasabihin ninyo, “Oo, Espanya ang tawag sa bansa namin at Kastila ang basehan ng linggwaheng tinawag na Espanyol, pero kami ay Catalan, taga-rehiyon ng Catalunia, na iba sa mga taga-Castilia, Galicia, Andalucia, Basco. Kaya hindi kami Kastila.”
Ang lumang Israel sa Bibliya ay maraming pinagdaanan sa kasaysayan. Ang dating confederation ng mga tribes ay naging isang bansa, naging isang kingdom sila noong panahon nina King Saul, David at Solomon. Pero na-divide ang bansang ito pagkatapos ni Solomon, naging dalawang bansa: ang Northern Kingdom na nag-retain sa pangalang “Israel”, na ang capital ay Samaria, at ang Southern Kingdom of “Judah”, na ang capital ay Jerusalem.
Nanatili ang division sa loob ng dalawang daang taon, hanggang sa sinakop ng Assyrian Empire ang Northern Kingdom of Israel. Mula noon nagbago ang meaning ng Samaritano. Dati citizenship lang ito. Later naging parang relihiyon din ito, nawalay sa mga Hudyo dahil naghalo ang kultura at relihiyon ng mga Israelita at mga paganong taga-Assyria. Kaya naging mababa ang pagtingin ng mga Hudyo sa mga “Samaritano”. Sa tingin nila, nahaluan na sila, hindi na puro ang kanilang pananampalataya.
Kung tutuusin, hindi naman talaga taga-Judea si Hesus. Palagay ko iyon ang ibig sabihin ng mga kausap niya na tumawag sa kanya na “Samaritano”. Taga-Norte siya katulad ng mga Samaritano. Pero taga-Galilea siya, hindi siya taga-Judea o Samaria. Hindi siya Hudyo, strictly speaking, dahil hindi siya taga-Judea, pero ang nakagisnan niyang relihiyon ay mas malapit sa mga Hudyo kaysa sa mga Samaritano.
Sa panahon natin ngayon, ang tawag sa ganitong attitude ay REGIONALISM o NATIONALISM. Alam nyo ba na sa Europe, negative na ang meaning ng NATIONALISM, dahil iniuugnay ito kay Hitler, sa mga Nazi (national socialism) na nagpalaganap ng racism sa Europa? Mas mataas daw ang pagkatao ng purong German na galing sa Aryan race. Mababa ang tingin sa iba, lalo na sa mga Hudyo.
Dati, ganyan din tayo. (Baka nga hanggang ngayon meron pa rin tayong regionalistic tendency. Nakikita iyan kapag eleksyon na—katulad ng mga botante na magsasabing, “Bakit ba boboto pa ako ng iba, doon na ako sa kapwa ko Ilocano?” May mga panahon na nakakalimutan natin ang common identity natin bilang Filipino.
Totoo namang wala pa tayong kinalaman sa isa’t isa noong una. Dahil maraming isla tayo, insular kung mag-isip, regionalistic, may kanya-kanyang ethnic identity, linggwahe at kultura. Nagkaroon lang tayo nga common identity noong labanan natin ang mga Kastila at Amerikano. Tinawag nating Filipino ang sarili natin bilang reaksyon sa mababang pagtingin ng mga Kastila sa mga katutubo na dating tinatawag na mga INDIOS ng Kastila at tinuturing na mas mababa ang pagkatao.
Magaling si Hesus, ipinaalala niya sa kausap niya na Taga-Judea man o Galilea o Samaria, na anak silang lahat ni Abraham, at ang misyon ni Abraham ayon sa narinig natin sa first reading ay maging AMA NG MARAMING BANSA. Hindi lang ang pagkaisahin ang mga anak ni Israel, kundi ang buong sangkatauhan. Na tayo’y galing sa iisang pamilya ni Abraham: Hudyo, Muslim, o Kristiyano.
Pero higit pa roon ang panawagan niya. Na merong higit pa kay Abraham na pwedeng maging punto ng pagkakaisa. Ito’y walang iba kundi ang Diyos mismo ni Abraham—si AKO’Y AKO NGA. Ang mensahe ni Hesus ay, “Kung magtuturingan tayo, hindi lang bilang mga anak ni Abraham, kundi mga anak ng Diyos, mas malawak ang pagkakaisang maaabot natin. Magiging magkakapatid tayong lahat, anuman ang uri, lahi, o salita ang pinagmulan natin.
Ito ang dalang regalo ni Hesus, ang Anak ng Diyos na naki-kamag-anak sa lahat ng tao nang siya’y nagkatawang tao. Sa pamamagitan niya, pwede nating itayo ang isang mas mataas na sibilisasyon, kung kaya nating tanggapin ang bawat tao bilang KAPATID.
Ginawang kanta ito noon at inawit ng New Mistrels:
“Ikaw at ako, hindi man magkalahi ay dapat matutong magmahal, isipin mong tayong lahat ay MAGKAKAPATID.”