158 total views
Mga Kapanalig, noong isang linggo, nagulantang ang buong bansa sa biglaang pagpanaw ni dating pangulong Benigno Simeon Aquino III o “PNoy”. Bagamat alam ng publikong may mga iniindang karamdaman ang dating pangulo, nanatili siyang tahimik, lalo na nitong mga nakaraang buwan. Dahil dito, marami ang nagulat sa kanyang paglisan at maraming alaala ang nabalikan—mayroong mabubuti at mayroon ding hindi kagandahan.
Maraming nagbanggit sa mga maituturing na magagandang nagawa sa ilalim ng pamumuno ng dating pangulo. Nariyan ang kampanyang sugpuin ang katiwalian, at ibalik ang pagiging lingkod-bayan ng mga nanunungkulan, gaya ng sinasabi ng kanyang mga slogan na “walang wang-wang” at “walang mahirap kung walang kurap”. Para sa mga ekonomista, naging susi ang pamumuno ni PNoy para sa magandang economic standing at mataas na gross domestic product growth ng bansa. Sa mga batas na nilagdaan ng dating pangulo, nariyan ang Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act noong 2012, Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013, at Batas Kasambahay noong 2013. Itinuturing ding landmark ang pagdadala ng kanyang administrayon sa Permanent Court of Arbitration ng hidwaan sa China hinggil sa West Philippine Sea na naipanalo natin.
May mga nag-ungkat din sa mga kontrobersya noong panahon ng kanyang pamumuno. Nariyan ang Mamasapano massacre kung saan maraming sundalo ang namatay. Naging ugat ng kiskisan ng gobyerno sa Simbahan ang paglagda ni PNoy sa Reproductive Health Law. Inulan din ng batikos ang kanyang administrayon sa sinasabing mishandling sa naging epekto ng Bagyong Yolanda. Dagdag pa rito ang kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program na inihahalintulad sa pork barrel at hinusgahang unconstitutional ng Supreme Court noong 2013.
Walang perpektong pamumuno o liderato. Ang bawat administrasyon ay may ambag na liwanag at dilim sa bayan. Ang pagpanaw ni PNoy ay isang imbitasyon upang pagnilayan natin ang buhay ng ating bayan, lalo na’t malapit na ang eleksyon. Sa likod ng pagluluksa, hindi maiiwasang mahaluan ng pulitika ang pagpanaw ni Pnoy. Pero ang tanong: saan nga ba tayo patutungo?
Sa ating pagninilay, tandaan natin ang paalala ng panlipunang turo ng Simbahan na ang pangunahing layunin ng panunungkulan ay ang pagkamit ng kabutihang panlahat o common good. Ang pamumuno ay isang instrumento upang magkatulungan ang lahat sa kabila ng mga pagkakaiba-iba ng mga institusyon, grupo, at indibidwal patungo sa mas ganap na paglago at pag-unlad ng lahat. Ang pagiging lingkod-bayan—pangulo man ng bansa o kawani ng pamahalaan—ay dapat nakabatay sa hangaring unahin ang kabutihan ng taumbayan, hindi ang sariling interes o pagkauhaw sa kapangyarihan.
Gawin sanang panuntunan ng mga nagnanais maglingkod ang nakasaad sa Mateo 20:26-27: “Kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, ay dapat maging alipin ninyo.” Mismong si Hesus ang nagpakita ng ganitong uri ng paglilingkod.
Ito ang katangiang dapat nating hanapin sa ating mga lider. Isaisip din nating walang pamunuan kung walang pinamumunuan. Ibig sabihin, kahabagi tayo sa kahit kaninong administrasyon. Mayroon tayong ambag sa bawat dilim at liwanag, at ang kawalang-pakialam sa ating lipunan ay laging may epekto sa lahat. Panghawakan natin ang mahalagang papel ng bawat isa sa atin sa darating na eleksyon at sa pang-araw-araw na desisyong pinipili nating makilahok o hindi sa pulitikal na buhay ng ating bayan.
Mga Kapanalig, ipinalangin natin ang kapayapaan ng kaluluwa ng yumaong si PNoy. Nawa ay maging makabuluhan sa atin ang mga aral na maaaring mapulot sa mga tagumpay at kabiguan ng kanyang administrasyon. Sa huli, piliin nating matuto sa mga leksyon ng nakaraan, makilahok, at kumilos upang madagdagan ang liwanag sa ating bayan, sinuman ang nasa pamahalaan.