771 total views
Kapanalig, unti unti na tayong nakakabangon mula sa delubyong dulot ng COVID-19 pandemic. Ang ating mga naranasan dito ay dapat nating maging gabay para sa mga hinaharap na hamon. Ang pandemyang ito ay maari pang masundan ng ibang krisis. Kung hindi natin natatandaan at natutunan ng mga leksyon nito, magiging paulit-ulit na lamang ang ating pagkakamali.
Isa sa mga mahahalagang leksyon nito ay kahalagahan ng ayuda o social assistance, lalo na sa mga nawalan ng trabaho at pagkakakitaan dahil sa malawakang lockdown sa buong bansa.
Ayon sa isang pag-aaral ng World Bank, may mga ilang phases o yugto ang ating karanasan sa COVID-19 na nagpapakita ng disruptions o epekto sa trabaho at pinagkakakitaan ng mga Filipino, pati na rin ng uri ng ayuda at social protection mula sa pamahalaan. Sa bawat yugto na ito, may mga leksyon na makakatulong upang mas maayos pa ang pagbibigay social assistance sa mga mamamayan.
Ayon dito, mataas ang overall coverage ng social assistance sa bansa-96% ng mga kabahayan sa ating bansa ang nagsabi na sa unang anim na buwan ng 2020, nakatanggap sila social assistance gaya ng food aid. Umabot din ng 23 million ang beneficiaries ng social amelioration program. Napakalaking bagay nito dahil ang unang anim na buwan ng 2020 ay crucial para sa maraming Filipino- ito ang panahon ng malawakang kawalan ng trabaho sa bansa.
Malaki man ang coverage, ayon sa pag-aaral, “modest” o katamtaman lamang ang overall impact ng social assistance sa bansa dahil sa laki ng ng epekto at haba ng pandemya. May mga naging hamon din ang cash assistance delivery dahil na rin sa mga mobility restriction ng COVID-19, sa laki ng budget na kailangan, at sa talaan ng mga nararapat na beneficiaries. Ang mga hamon na ito, nairaos man ng pamahalaan, ay nag delay o nagpatagal ng ayuda sa maraming mga lugar, na todong nagpahirap naman sa ating mga mamamayan.
Ang karanasan na ito ay nagdala ng mga mahahalagang leksyon. Unang una, kailangan may maayos na tayo na polisiya at sistema sa pagbibigay ng ayuda bago pa man dumating ang ano mang sakuna. Tandaan natin kapanalig, tayo ay isang bansang bulnerable hindi lamang sa mga epidemya, kundi sa mga natural na sakuna. Mula sa nasyonal hanggang sa lokal na lebel, dapat ay meron na tayong matibay na social assistance delivery system na mabilis na aaksyon pagdating ng anumang krisis. Doable ito, at nakita natin ito sa Office of the Vice President nitong pandemya.
Pangalawa, kailangan accurate ang ating targeting system. Ang listahan ng ating mga beneficiaries, kailangang updated. Kapag updated ang listahan, makikita natin na responsive ang LGUs – alam nila kung sino ang dapat unang tulungan. Kung maayos din ang targeting system, mas madaling makita kung ano at paano ang pinakamabilis na delivery system.
Kapanalig, sa ating pagbangon mula sa pandemya, magiging mas mabilis at maayos ang ating recovery kung ating isasapuso ang mga aral nito. Para sa darating na bagong administrasyon, malaking hamon ito, na sana ay bukas loob at tapang nitong harapin. Ang pag-akap sa responsibilidad na ito ay banal na tungkulin ng mga nasa pwesto ng kapangyarihan. Paalala nga ng Rerum Novarum: Ang mga pinuno ay dapat sabik na pangalagaan ang komunidad at lahat ng miyembro nito, dahil ang pag-iingat nito ay responsibilidad ng nasa kapangyarihan. Ang kaligtasan ng bayan ay hindi lamang ang unang batas, ito ay ang buong dahilan ng pag-iral o existence ng isang pamahalaan.
Sumainyo ang Katotohanan.