566 total views
Kapanalig, malayo na ang narating ng mga kababaihan sa ating bayan. Pagdating sa pag-aaral, sa trabaho, sa negosyo at sa iba pang aspeto ng ating lipunan, ang mga kababaihan ay namamayagpag at nagtatagumpay. Sila ay nagiging huwaran at modelo sa ating bayan.
Ang ating lipunan ay supportive na rin sa kagalingan ng mga kababaihan. Pagdating nga sa isyu ng gender equality, isa na tayo sa mga best performers sa East Asia and the Pacific, at maging sa buong mundo. Base nga sa 2021 Global Gender Gap Report, pang 17th tayo sa 156 na bansa sa buong mundo pagdating sa kasulungan ng gender equality. Mga 78.4% na ng ating gender gap ang ating natugunan. Liban pa dito, tayo na ang second best sa buong East Asia and the Pacific Region, sunod sa New Zealand.
Nakakagalak ng puso, hindi ba, pag nakikita natin na nagtatagumpay ang kababaihan ng ating bayan. Bitbit nila ang dangal ng bansa sa bawat tagumpay na kanilang nakakamit. Kaya lamang kapanalig, malayo man ang kanilang narating, may mga balakid pa rin sa kanilang paglago. Maaninag ito, kapanalig, sa labor participation rate ng mga kababaihan sa ating bansa. Base sa isang pag-aaral ng National Economic Development Authority, nasa 46% lamang ito, at isa sa mga pinaka-mababa sa Southeast Asia.
Kapanalig, ilan sa mga nakikitang dahilan ng mababang antas na ito ay ang mga patriarchal structure sa ating lipunan, ang mga karaniwang gender stereotypes, ang halaga ng pamasahe na malaki ang kinakain sa sweldo, pati na rin traffic na nagnanakaw ng oras para sa pamilya.
Sa mga bahay na lamang natin kapanalig, kadalasan lugi ang mga babae. Sila ang naatasang gumawa ng gawaing bahay, dagdag pa sa kanilang trabaho, kahit kaya naman gawin ito ng mga lalaki. Kahit pagod na ang babae sa trabaho, pagdating sa bahay, karaniwan sila pa rin ang kumikilos. Ang masaklap, parang tine-train na rin natin ang mga batang babae sa ganitong kapalaran. Sa araw-araw, nakikita nila na pagkatapos o bago magtrabaho, nanay nila ang nagluluto, naglilinis, at gumagalaw sa bahay, habang ang mga lalaki, prente na minsan sa kakarelax. May pagkain na sila pag-gising nila, hindi pa sila ang magliligpit. Isa ito sa mga nakakalungkot na stereotypes sa ating lipunan. Ninakaw nito ang oras at enerhiya ng mga kababaihan na magagamit sana nila sa pag-abot ng kanilang mga pangarap. Sila ang serbidora sa bahay.
Ang kalbaryo ng pag-cocommute ay malaking balakid din sa mga babae. Maliban sa gastos, ninanakaw nito ang panahon ng mga kababaihan para sa kanilang mga pamilya at iba pang nais gawin sa buhay. Kaya nga’t napakaswerte ng ating bise-presidente ngayon, nakaka-uwi siya sa mga anak niya bago sila makatulog. Maraming mga ina sa ating bayan ang walang ganyang pagkakataon.
Ilan lamang ito sa mga balakid sa pangarap ng babae na dapat nating iwaksi sa ating lipunan. Kapanalig, tayong lahat ay dapat maging kampeon para sa kagalingan ng mga kababaihan ng ating bayan. Ang kanilang tagumpay ay tagumpay ng lahat.
Inihayag ni Pope John II sa kanyang Letter to Women ang kanyang pasasalamat sa hindi matutumbasang ambag ng mga kababaihan sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Ang kanilang kontribusyon ay nagpapalago at nagpapalalim pa ng ating mga pamilya, kultura, ekonomiya, at pulitika. Pero para sa kanya, hindi sapat ang pasasalamat lamang. Kailangan din natin palayain ang mga kababaihan sa iba-ibang uri ng pagsasamantala at dominasyon. Sabi niya, kung nais natin ng sibilisasyon ng pag-ibig, dapat nating makamit ang tunay na pagkapantay-pantay sa ating mga tahanan at sa ating lipunan.
Sumainyo ang Katotohanan.