233 total views
Mga Kapanalig, hindi maitatangging ang buong mundo at ang ekonomiya ng mga bansa ay pinadapa ng pandemyang magdadalawang taon nang pumipinsala sa ating buhay. Ngunit alam ba ninyong sa kabila ng pagdurusa ng sangkatauhan dahil sa pagkakasakit at pagkawala ng hanapbuhay ng marami, may iilang taong lalo pang yumaman at lumaki ang kita ng kanilang mga negosyo?
Ayon sa international NGO na Oxfam, ang kayamanan ng sampung pinakamayayamang tao sa mundo ay nadagdagan ng higit sa isang bilyong dolyar bawat araw nitong nagdaang dalawang taon ng pandemya. Ang kabuuang yaman ng sampung taong ito ay higit pa sa yaman ng tatlong bilyong pinakamahihirap na tao sa mundo. Habang may isang naging bilyonaryo sa bawat araw ng panahon ng pandemya, 160 milyong mga tao namang dati ay hindi mahirap ang naging mahirap sa panahon ng krisis na ito. Dito naman sa ating bansa, ang limampung pinakamayayamang Pilipino ay lumaki ang kabuuang kayamanan nang 30 porsyento sa kabila ng pandemya.
Paano kaya ito nangyari? Batid nating may mga negosyong lalong umunlad sa kabila ng pandemya. Ngunit anupaman ang mga ito, ang mas mahalagang itanong ay kung tama ba ang nangyayaring ito at kung dapat at maaari pa bang iwasto ang sitwasyong ito.
Mismong ang mga bilyonaryong nagsipagyaman ay nagsabing hindi raw sila pinagbabayad ng makatarungang halaga ng buwis, at dahil dito nagsipagprisinta silang magbayad ng karagdagang buwis. Habang mabuting alok ito, hindi pa rin dapat hayaan lamang na magpatuloy ang isang sitwasyong ang mga pinakamayayaman ay lalo pang nagkakamal ng malaking pera habang ang mga mahihirap ay lalo pang nababaon sa kahirapan.
Hindi ang pagbubuwis lamang ang maaaring solusyon. Alam nating sa maraming bansa, pati rito sa Pilipinas, ang mga mayayaman ay napakadaling makahanap ng paraang umiwas sa buwis. At kahit pa nagbabayad sila ng mas malaking buwis, mayroon pa ring problema kung ang higit na marami sa mundo ay lalong humihirap. Sila naman ay nagtatrabaho at ang mga walang mahanap na trabaho ay handa namang magtrabaho ngunit ang kinikita nila ay hindi sumasapat. Ano ang sinasabi sa atin ng ganitong sitwasyon?
Malinaw ang turo ng ating Simbahan tungkol dito. Ang mundong nilikha ng Diyos ay para sa kapakinabangan ng lahat. Bagamat ang mundong likha ng Diyos ay pinagyayaman ng paggawa ng tao, hindi pa rin makatarungan kung ang kalakaran ng merkado ay may isinasantabing mga taong hindi natutugunan ang mga pangunahing pangangailangan. Itinuturo din sa ating kapag may sitwasyong katulad ng mayroon tayo ngayong lubhang napakarami ang hindi nakakamtan ang kanilang pangunahing pangangailangan para mabuhay nang may dignidad, mali ang sistema ng ekonomiya at dapat itong iwasto. Ang sistemang naaayon sa nilalayon ng Diyos ay lumilikha ng lipunan kung saan lahat ay nakakapagtrabaho nang malaya, nakikilahok at nag-aambag, at nakikinabang nang wasto sa kanilang pinagpaguran.
Tila napakalayo ng kasalukuyang sitwasyon ng mundo at ng sarili nating bayan sa ganitong kalakaran. Imbis na mag-alok ang mga bilyonaryong dagdagan ang binabayaran nilang buwis, hindi kaya mas dapat kanilang dagdagan ang sahod ng kanilang mga manggagawa at lumikha pa sila ng maraming trabaho? Nalalapastangan ang dignidad ng tao kapag hindi pinapahalagahan ang kanyang paggawa dahil mababa ang pasahod at hindi binibigyan ng kasiguruhan ang kanyang trabaho. Hindi nga kaya ito ang ugat kung bakit lalong yumayaman ang mga may-ari ng malalaking negosyo—dahil ang mga manggagawa nila ay hindi nakakatamasa ng siguridad at sapat na sahod?
Mga Kapanalig, sabi sa Genesis 2;15, inilagay ng Diyos ang tao sa halamanan ng Eden upang ito ay pagyamanin at pangalagaan. Ang pangangalagang ito ay tumutukoy din sa pagtitiyak na ang bawat tao ay tunay na naaalagaan sa kanyang mga pangangailangan bilang taong may dignidad—may maayos na tirahan, nakapag-aaral, nagagamot kapag may sakit, nakakapagtrabaho, at sumusweldo nang tama.