400 total views
Ang tama at tunay na diwa ng politika ay ang pagnanais na maluklok sa anumang posisyon sa pamahalaan para sa kabutihan ng sambayanan at hindi para sa pansariling kapakinabangan.
Ito ang binigyang diin ni 1987 Constitutional Framer Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa programang Barangay Simbayanan sa Radio Veritas sa paksang ‘Pulitika at Pananampalataya’.
Ayon sa Obispo, ang mga politiko na nagnanais ng posisyon para sa pansariling kapakanan ay may pinakamalaking posibilidad na maging diktador, mapaniil, mapagsamantala at tiwali.
Tiniyak ni Bishop Bacani sa oras na maluklok sa puwesto ang mga tiwaling politiko ay tanging pansariling kapakanan lamang ang mananaig sa halip na kabutihan ng taumbayan.
“Ang tamang politika nais mong malagay sa puder [posisyon] para sa kapakanan ng sambayanan yun ang dahilan, ang naghahanap ng puder para sa kanyang sariling kapakanan ay siguradong magiging diktador yan, tyrant yan, mapagsamantala yan, mapangurakot at dito sa Pilipinas yun ang nangyayari, at kapag nalagay na sa puder at nangurakot na dapat namang ipagtanggol o ipagpatuloy yang pangungurakot para hindi sila maprosecute..” pahayag ni Bishop Bacani Jr. sa Radio Veritas.
Ipinaliwabag ng Obispo na inakasalalay sa mga botante ang soberenya ng bansa.
Iginiit ni Bishop Bacani na nagmumula sa kapangyarihan ng mga botante na maghalal ang kapangyarihan na tinatamasa ng mga opisyal ng bayan na dapat nilang paglingkuran.
“The sovereignty resides on the people na tayo ang may kapangyarihan at yung mga binoboto natin nagkakaroon ng kapangyarihan sa pamamagitan ng ating pagpili sa kanila, ngunit sila ay pinipili natin tayo ang namimili at tayo ang kanilang paglilingkuran.” Dagdag pa ni Bishop Bacani.
Batay sa pinakahuling tala ng Commission on Elections (COMELEC), umaabot sa mahigit 63-milyon ang bilang ng mga rehistradong botante para sa nakatakdang 2022 National ang Local Elections.
inaanyayahan ng Simbahan ang mga botante para sa pagkakaroon ng One Godly Vote o pakikilahok sa proseso ng halalan at pagboto sa pamamagitan ng gabay ng mga panlipunang turo ng Simbahan.