149 total views
Simulan sa pagpili ng mabubuting opisyal ng Barangay ang pagbabago at pagsasaayos ng lipunan.
Ito ang nakikitang paraan ni Parish Pastoral Council for Responsible Voting Chairperson Henrietta De Villa upang mas epektibong masugpo ang laganap na bentahan at paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.
Paliwanag ni De Villa, dahil sa mas maliit ang sakop ng mga barangay ay mas madaling makilala at matunton ng mga opisyal ng barangay ang mga drug pushers at users sa kanilang mga lugar.
“Lalo na yan, maliliit na communities, alam na alam naman nila ng mga barangay kung sinong drug addict, kung sino ang drug pusher at minsan nga siguro totoo rin yun na kasangkot sila, yun din tingnan din ng mga botante kasi dahil sa maliit yang constituency ng bawat barangay, kilala nila kung sino yung mga implicated sa mga ganyan kaya huwag ng iboto, huwag ng iboto.” pahayag ni De Villa sa panayam sa Radio Veritas.
Dahil dito, nanawagan si De Villa sa mga hindi pa nakarehistrong botante na makibahagi sa inaasahang muling pagbubukas ng registration ng Commission on Elections para sa SK at Barangay elections sa darating na Oktubre.
Kaugnay nga nito, ayon sa tala Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) aabot sa 92-porsyento ng mga barangay sa Metro Manila at 1/5 naman ng mga barangay sa buong bansa ay apektado ng bawal na gamot.
Sa kasalukuyan, batay sa pinakahuling tala ng Philippine National Police, tinatayang umaabot na sa higit 18-libo ang naaresto dahil sa ilegal na droga, higit 6 na libong indibidwal ang kusang sumuko habang tinatayang umaabot na sa higit 65 ang kaso ng drug-related killings matapos ang May 9-National at Local elections.(Reyn Letran)