202 total views
Pag-aralan at piliin ang karapat-dapat na mga lider na dapat iboto ngayong Sangguniang Kabataan at Barangay elections.
Ito ang paalala ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa mga botante na pipili ng kanilang mga pinuno sa SK at Barangay election sa ika-14 ng Mayo.
Ayon kay Bishop Bagaforo, mahalaga na suriing mabuti ng mga botante ang kakayahan ng kanilang mga pipiliing opisyal lalu’t ito ang mamumuno sa kanilang komunidad.
“Paalaala lang po sa lahat ng botante ng SK at barangay officials. Tingnan at pag aralan po nila una, track records ng mga kandidato, ikalawa ang competency…kakayanan na mamahala, ikatlo ang moral ascendancy.. marangal at mabuti ba buhay nila? At higit sa lahat huwag ibenta ang boto,” ayon sa mensahe ng Obispo.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, karapatan ng bawat mamamayan ang malayang pagpili ng mga kandidato at paghahalal na dapat itaguyod ng gobyerno sa pagtiyak ng maayos at payapang halalan.
Layunin ng halalan na punan ang may 900 libong posisyon ng higit sa 42 libong barangay sa buong bansa.
Ang bawat Sangguniang Barangay at Sangguniang kabataan ay binubuo ng isang barangay chairman at pitong mga konsehal na mamumuno sa loob ng tatlong taon.