854 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mamamayan na pagnilayang mabuti ang karakter at uri ng kandidatong pipiliin sa nalalapit na 2022 national and local elections sa Mayo 9, 2022.
Sinabi ng Kardinal na mahalagang maging matalino ang mahigit 60-milyong botante sa paghalal ng mabubuting lider sa kapakinabangan ng lipunan lalo’t maraming hamon ang kinakaharap ng bansa sa kasalukuyan.
“As we prepare for the coming elections, I invite everyone to undergo the process of discernment towards collective active response. This entails immersing ourselves in our socio-political realties and responding pro-actively in light of the principles of Catholic Social Teachings,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Inihayag ng Arsobispo na mabisang batayan sa national discerment sa pagpili ng lider ng bansa ang panawagan ni Pope Francis na ‘better politics’ kung saan nakatuon sa kabutihan ng bawat nasasakupang mamamayan.
Bilang kristiyanong mananampalataya inaasahan ni Cardinal Advincula ang pagiging ‘maka-Diyos kaya makabayan’ ayon na rin sa pahayag ng Santo Papa na ‘social charity’ o ‘political charity’.
Ipinaliwanag ng Kardinal na kaakibat ng mga katangiang nabanggit ang kahandaang maglingkod ng tapat sa bayan, magsusulong ng tunay na pagbabago tungo sa isang maunlad at kaaya-ayang pamayanan.
“During this turning point in our nation’s history, may our love for country be an authentic expression of our discipleship in Christ,” ani ng Kardinal.
Sa paggunita ng ika – 150 anibersaryo ng pagiging martir ng mga paring GOMBURZA nanindigan ang Manila clergy sa pagiging ‘maka-Diyos kaya makabayan’ sapagkat magkaugnay ang pagmamahal sa Diyos at bayan.
“True heroism is borne of holiness, and true holiness issues into service for justice,” dagdag ng Arsobispo.
Sa kasalukuyan, pinalalakas ng Archdiocese of Manila ang Catholic E-Forum ng ‘One Godly Vote’ campaign sa pangunguna ng Radio Veritas katuwang ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at Catholic Media Network na layong tulungan ang mga botante na kilalanin ang mga kandidato sa pagkapangulo, bise presidente at senador.
Patuloy na ipinapanalangin ni Cardinal Advincula ang mamamayan na sa tulong ng Espiritu Santo ay maihalal ang wastong lider na magtataguyod sa kabutihan ng bayan.
“We particularly pray for our people as we choose our next leaders this coming May. We ask our fellow Filipinos to be ‘maka-Diyos kaya makabayan,’ to discern their choice well and prefer leaders who embody and promote the values of the Kingdom of God,” giit ni Cardinal Advincula.