75,112 total views
Mga Kapanalig, ibinasura ng Sandiganbayan ang kasong plunder laban kay dating Senador Juan Ponce Enrile. Nag-ugat ang kasong ito sa alegasyong sangkot siya sa maling paggamit ng kanyang pork barrel (o pondong natatanggap bilang senador) mula 2004 hanggang 2010. Aabot sa 172.8 milyong piso ang sinasabing naibulsa ng dating senador at kanyang mga kasabwat matapos ilagak sa mga pekeng NGO ang kanyang pork barrel. Napawalang-sala rin ang kanyang dating chief of staff na si Gigi Reyes at ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles. Si Napoles ang itinuturing na mastermind ng scam kung saan sampung bilyong piso mula sa Priority Development Assistance Fund (o PDAF) ng mga senador at kongresista ang nawala at nanakaw.
Habang nakatuon ang ating atensyon sa mga balita tungkol sa POGO, sa batuhan ng putik ng mga pulitikong tatakbo sa darating na eleksyon, at sa laglagan ng mga dating magkakasama sa pagpapatupad ng madugong war on drugs, nalusutan ang taumbayan ng balitang mukhang wala nang mapananagot sa PDAF scam.
Ayon sa Sandiganbayan, bigo ang prosekusyong patunayang “beyond reasonable doubt” ang pagiging guilty nina dating Senador Enrile at kanyang mga kasabwat. Resulta din ito ng pagtanggap ng korte sa tinatawag na demurrer na inihain ng kampo ng dating senador. Naninindigan kasi siya at ang kanyang mga abogado na mahina ang mga ebidensya laban sa kanila. Sa desisyon ng korte, wala raw patunay na iniabot o inilipat kay Senador Enrile ang napakalalaking halaga ng kickback mula sa mga proyekto ng mga pekeng NGO ni Napoles.
Hindi lamang ito ang magandang balita para sa mga nasa likod o nakinabang sa pagsasailalim sa Pilipinas sa batas militar noong diktaduryang Marcos.
Dismissed din ng Sandiganbayan ang ill-gotten wealth case laban sa mga magulang ni Pangulong BBM. Ang nakaw na yamang ito ay nagkakahalaga ng 276 milyong piso. Binubuo ito ng iba’t ibang ari-arian gaya ng mga lote, gusali, at condominium units sa loob at labas ng bansa. Ang mga ari-arian daw na ito ay binili ng kanilang tauhang si Roman Cruz para sa kanila. Ayon sa mga Marcos, dahil daw sa “inordinate delay” (o napakahabang panahong itinagal ng kaso) at paglabag sa due process—bagay na hindi tinutulan ng mga state prosecutors o abogado ng gobyerno—dapat na raw tapusin ang usaping ito. Paliwanag pa ng Sandiganbayan, hindi na raw mabibigyan ng patas na pagdinig ang mga Marcos para sa isang kasong isinampa tatlong dekada na nakalilipas. Baka patay na raw ang mga testigo at mahirap nang makalap ang mga dokumento at ebidensya. Matanda na rin daw si dating First Lady Imelda Marcos.
Gaya ni dating Senador Enrile, may iba pang kasong nakasampa laban sa pamilya ng ating presidente—mga kasong may kinalaman sa mga yamang ninakaw gamit ang kapangyarihan at impluwensya. Pero sa mga paborableng desisyon ng korte sa mga kaso laban sa dating senador at sa pamilyang pinagsilbihan niya noon, hindi na tayo magtataka kung pati sa nakabinbin pang mga kaso nila ay mapawawalang-sala sila.
Nakatutulong din ang pagiging makalilimutin nating mga Pilipino. Bilang isang bayan, mabilis nating limutin ang kasalanan ng mga taong lantarang umabuso sa kanilang kapangyarihan para sa kanilang interes. Hinahayaan natin silang baluktutin ang batas at gamitin ang kanilang impluwensya at kayamanan para matakasan ang kanilang mga sala sa bayan. Ang pagkabigo nating panagutin ang mga maysala sa bayan ay salungat sa pagiging responsableng mamamayan, bagay na itinuturo sa Catholic social teaching na Evangelii Gaudium.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Mga Kawikaan 10:7, “Ang alaala ng matuwid, mananatili kailanman, ngunit pangalan ng masama ay tiyak na mapaparam.” Nakalulungkot na kabaligtaran ang nangyayari sa atin.
Sumainyo ang katotohanan.