271 total views
Unahin munang ipasara ang mga casino bago isunod ang jueteng sa bansa.
Ito ang payo ni dating CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa pinaiigting na kampanya kontra iligal na sugal sa bansa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Archbishop Cruz, founder ng Krusadang Bayan Laban sa Jueteng, lalong nailapit ang mga tao sa bisyo ng pagsusugal mula ng pinahintulutan ng nakaraang administrasyon ang operasyon ng 35-malalaking casino sa bansa.
“Ang sinasabi ko noong araw, ang legal na sugal ay PAGCOR lang, iilan lang. Ang iligal na sugal na jueteng ay 42 iyan, pero ngayon yung casino ay 35 so kung tutuusin gustong alisin ang bisyo talaga, yung casino ang dapat isara. Unahin na ang casino kaysa sa jueteng.”pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Iginiit ni Archbishop Cruz na dahil sa mga naglipanang casino sa bansa ay mas lalo lamang naging talamak ang ‘money laundering’ na siya ring naghikayat ng maraming negosyante na pasukin ang ganitong maling kalakaran.
“Yung mga nagsusugal sa casino huwag mong sabihin sa akin mga banal iyan. Iyan ay kung saan – saan kumukuha ang pera pagkatapos kung saan-saan ginagamit ang pera at marami diyan ay money laundering ang tawag. Yung perang hindi mo maipaliwanag kung saan galing idadaan mo doon sa sugal, paglabas niyan malinis na.” giit pa ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas.
Magugunitang nagsimula ang STL o small town lottery noong 2005 sa layuning wakasan ang jueteng sa bansa.
Nauna na ring ipinanawagan ni Archbishop Cruz kay PCSO General Manager Alexander Balutan magbitiw na sakaling hindi nito kayang wakasan ang jueteng sa bansa.