25,414 total views
Inaanyayahan ng Minor Basilica and National Shrine of the Black Nazarene ang mananampalataya lalo na ang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na makilakbay sa paghahanda sa nalalapit na kapistahan sa January 9.
Ayon kay Quiapo Church Parochial Vicar Fr. Hans Magdurulang, puspusan na ang paghahanda ng dambana sa Nazareno 2024 kaya’t mahalagang masubaybayan ito ng mga deboto para sa mas maayos na pagdiriwang.
“Sa ating mga deboto ng Poong Jesus Nazareno ang simbahan po ng Quiapo ay malugod na nag-aanyaya sa inyo na subaybayan po ninyo at makiisa sa preparasyon para malaman ang mga nararapat gawin sa Nazareno 2024 at sama-sama po nating ipagdiwang ito ng maayos, ligtas at banal.” pahayag ni Fr. Magdurulang sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ng pari na tuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Manila City gayundin sa iba pang ahensya ng gobyerno para ilatag ang mga plano sa pagdiriwang ng pista sa Enero.
Inihayag ni Fr. Magdurulang na pinag-aaralan ng basilica katuwang ang lokal na pamahalaan ang posibilidad ng pagbabalik sa mga nakaugaliang gawain tuwing pista ng Poong Jesus Nazareno.
Kamakailan ay inilunsad ng Quiapo Church ang logo sa Nazareno 2024 kalaki ang temang ‘Ibig naming makita si Hesus’ na hango sa ebanghelyo ni San Juan kabanata 12 talata 21.
Ipinaliwanag ni Fr. Magdurulang na bibigyang diin sa tema ang kahalagahang maibalik ang tuon ng tao sa Panginoong Hesus sa tulong ng kanilang maalab na debosyon sa Poong Hesus Nazareno sa harap ng maraming karanasan na nakakaapekto sa pisikal, mental at espiritwal na aspeto ng tao.
“Sa dami ng mga bagay na nangyari sa paligid natin coming from this pandemic experience, challenges sa bansa at sa buong mundo, ito ang magandang pagkakataon na ibalik natin ang tingin natin sa tunay na pagmumulan ng pag-asa at pagkakaisa sa buhay natin bilang Pilipino at bilang isang mundo ang Panginoong Hesus.” ani Fr. Magdurulang.
Matatandaang ipinagpaliban ng tatlong taon ang nakagawiang Traslacion ng poon mula sa Quirino Grandstand patungong Quiapo Church dahil sa mga panuntunang ipinatupad ng gobyerno sa COVID 19 pandemic subalit nitong Enero 2023 ay isinagawa ang Walk of Faith na dinaluhan ng halos 100, 000 deboto.
Ang kapistahan ng Poong Jesus Nazareno ang isa sa mga tampok na debosyon at pista sa Pilipinas na dinadaluhan ng milyong-milyong deboto mula sa iba’t ibang panig ng bansa.