427 total views
Hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang mananampalataya na i-alay sa Panginoon lalo na ngayong Semana Santa ang mga paghihirap na dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman bg kumisyo na maituturing ding pagsasakripisyo ang iba’t -ibang hirap na idinudulot ng malawakang krisis ngayong panahon ng pandemya tulad ng muling pagpapatupad Enhanced Community Quarantine na naglilimita sa maraming mga gawain ng mamamayan.
Sa ganitong paraan ipinaliwanag ng Obispo na maaari pa ring masamahan at madamayan ng bawat isa si Hesus sa pagsasakatuparan sa pangakong kaligtasan ng Panginoon para sa sangkatauhan.
“Hindi po natin inaasahan na mayroon na naman tayo uling lockdown ngayong Holy Week na pinakamahalagang linggo pa naman sa atin, ialay na po natin itong sakripisyong ito kasama ng sakripisyo ni Hesus at ang ating pag-aalay na ito at ang pagsisikap na kahit na nasa mga tahanan lang ay yan po ay maging kalugod-lugod sa Diyos.” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Umaasa naman ang Obispo na bagamat ipinagbabawal ang pagdalo sa mga liturhiya sa mga Simbahan ay mapagsumikapan parin ng mga mananampalataya na patuloy na masamahan si Hesus sa kanyang pagsasakripisyo at pag-aalay ng buhay sa krus sa pamamagitan ng pananalangin at pagninilay sa Salita ng Diyos ng buong pamilya maging sa loob lamang ng tahanan.
Ibinahagi ni Bishop Pabillo na maaari ding makibahagi ang bawat isa sa mga liturhiya sa pamamagitan ng pagsubaybay sa iba’t ibang online celebrations na tampok sa mga social media accounts ng mga Simbahan at diyosesis.
“Pagsikapan po natin sa ating mga tahanan na magbigay ng panahon sa ating pagdadasal, sa ating pagninilay sa salita ng Diyos at pakikiisa po sa mga online celebrations napakarami po ng ating online celebrations sa archdiocese [of Manila], sa mga parokya natin at ito po ay maging kalugod-lugod na alay natin sa Diyos.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Matatandaang una nang nanawagan at hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat isa na gamitin sa mas makabuluyang pamamaraan ang internet at social media na dapat ituring na isang pambihirang biyaya ng Panginoon para sa pakikipagkomunikasyon at pagpapahayag ng misyon ng Panginoon.