194 total views
Inaanyayahan ng Health Care Ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga arkidiyosesis, diyosesis, at mga prelatura sa bansa na makibahagi sa pagdiriwang ng ika-30 taon ng World Day of the Sick.
Ipagdiriwang ito sa February 11 kung saan ang tema ngayong taon ay ang “Be merciful, even as your Father is merciful” na hango sa ebanghelyo ni San Lukas kabanata anim, talata 36.
Sa pastoral letter ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care (CBCP-ECHC), sinabi rito na ang ebanghelyo ni San Lukas ay ipinapaliwanag ang kahulugan ng ‘Pastoral Mercy’ at muling pagsasabuhay sa kwento ng mabuting Samaritano na nagpakita ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa lalo na sa mga maysakit at nangangailangan.
“…God is the ultimate source of mercy as it centers of care. The 2022 World Day of the Sick is a timely event to promote care as an act of God’s mercy,” pahayag ng CBCP-ECHC.
Nabanggit din sa liham ang ‘pastoral health care’ na isang mahalagang gampanin ng simbahan lalo na ngayong pandemya.
Ipinapaalala nito na ang pagkalinga sa mga maysakit at higit na nangangailangan ay isa sa mga pangunahing itinuro ng Panginoong Hesukristo.
“This is because it animates Jesus’ actions that take us closeness to Him, as we are nearness to the sick and needy,” ayon sa pahayag.
Samantala, hinimok din ng komisyon ang mga parokya at ospital na patuloy lamang na sundin ang minimum public health standards bilang pag-iingat sa hawaan ng COVID-19 habang nagsasagawa ng mga aktibidad at banal na pagdiriwang hinggil sa World Day of the Sick.
Taong 1992 nang itatag ni Saint John Paul II ang paggunita sa World Day of the Sick upang hikayatin ang mga mananampalataya, Catholic health institutions, at lipunan na maging aktibo sa pagkalinga at pag-aalay ng panalangin sa mga may karamdaman maging sa mga tagapag-alaga nito.