183 total views
Nakahanda na at naka antabay ang mga Diyosesis na posibleng makaranas ng masamang panahon dulot ng Typhoon Ferdie.
Ayon sa Social Action Director ng Diocese of Laoag na si Msgr. Noel Ian Rabago, bagamat hndi pa ganap na nararamdaman ang epekto ng bagyong Ferdie sa kalupaan ng Ilocos Norte ay nakahanda na sila sa anumang paglikas at pangangailangan ng mga residente sakaling magdulot ng pinsala ang nasabing bagyo.
Inihayag ni Msgr.Rabago na bukas ang kanilang mga Simbahan para magsilbing evacuation center sakaling kailanganin ng mga residente.
“Nakahanda tayo. All churches are ready as evacuation centers” mensahe ni Msgr.Rabago sa Veritas 846 Damay Kapanalig.
Umapela naman ng pagdarasal ang Archdiocese of Tuguegarao matapos na ideklara sa ilalim ng Storm Signal 2 at 1 ang lalawigan ng Cagayan.
Umaasa si Tuguegarao Social Action Director Rev.Father Augustus Calubaquib na hindi na labis na magdulot ng pinsala ang bagyong Ferdie bagamat may taglay din itong kalakasan.
“Wala pang pag-ulan dito ngayon pero hopefully hindi na makapinsala” pahayag ni Fr. Calubaquib.
Inaasahang magdudulot ang Typhoon Ferdie ng pag-ulan at malakas na hangin sa Batanes at Babuyan group of Islands maging sa ilang lugar sa hilagang Luzon.
Taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 215 kilometro kada oras tinatayang ang typhoon Ferdie ang pinakamalakas na bagyo na pumasok sa Philippine Area of Responsibility sa taong kasalukuyan.(Rowel Garcia)