334 total views
Tone-toneladang gulay at mga grocery pack ang ipinamamahagi ng Tanging Yaman Foundation katuwang ang ibat’-ibang mga Diyosesis sa Metro Manila sa gitna ng pinatutupad na Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Rev. Fr. Manoling Francisco SJ, founder ng Tanging Yaman Foundation, abala sila sa pagsasagawa ng pagtulong sa mga mahihirap na apektado ng ECQ sa pamamagitan ng pamimigay ng mga gulay at pangunahing pangangailangan katuwang ang Ateneo De Manila, Simbahang Lingkod ng Bayan at mga Social Action Center ng mga diyosesis sa NCR at mga karatig lalawigan.
Tinataya aniya na aabot na sa 21 libong pamilya ang nabahagian nila ng tulong sa una at ikalawang bugso ng relief operation habang umiiral ang ECQ.
“Sa kasalukuyan higit 21,000 Pamilya na ang ating natugunan mula sa higit 38 Parokya sa Metro Manila ang nabahaginan nnatin ng 45.5 tons ng gulay at 8,900 grocery packs.” Pahayag ni Fr. Francisco sa Radyo Veritas.
Naniniwala si Fr. Francisco na ngayon ang panahon upang mas lalong kumilos ang Simbahang katolika upang umagapay sa pangangailangan ng mga mahihirap na apektado ng lockdown ang kanilang mga pinagkakakitaan at kabuhayan.
“Bilang Kristiyano ating tungkulin ang tumugon sa pangangailangan ng ating mga kapatid na nangangailangan. Sa konteksto ng ECQ libu-libong kababayan natin ang nagugutom dahil sa kawalan ng hanapbuhay dahil sa pagbagsak ng ekonomiya. Kaya marapat na bilang Simbahan masabayan natin sa paglalakbay ang ating mga kababayang naghihirap at nagugutom. Ito rin ang panawagan ni Pope Francis kaya nawa’y patuloy tayong maging liwanag at gabay sa ating mga kapatid na nangangailangan” pahayag pa ng Pari na isa din kilalang kompositor.
Nagpapasalamat si Fr. Francisco sa mga sumusuporta sa proyekto at programa ng Tanging Yaman Foundation.
Tiniyak din niya ang kaligtasan at pagsunod sa mga health protocol sa kanilang mga ginagawang pagkilos kung saan katuwang nila ang Philippine Navy, Marines,NAVSOCOM, QCPD at GoShare.
Magugunitang bago pa man ang ikatlong ECQ sa Metro Manila ay naging aktibo na ang Tanging Yaman Foundation at ang buong Jesuit Community sa mga pagkilos upang makatulong sa mga mahihirap nating kababayan.