336 total views
Nag-iwan ng matinding pinsala sa ilang diyosesis sa Visayas at Mindanao ang bagyong Odette.
Ayon kay Rev. Fr. Felix Warli Salise, Social Action Director ng Diocese of Tagbilaran, 100 porsiyento ng kabuuang Diyosesis ang labis na naapektuhan ng bagyong Odette.
Inihayag ng Pari na pinakamatinding pinsala sa bayan ng Loboc kung saan nahihirapan pa din silang makipag-ugnayan sa kura-paroko dahil sa problema sa komunikasyon at elektrisidad.
“Pinakagrabe ‘yong sa Loboc sa town kasi talagang matindi ang baha doon and I’m talking with Bishop [Abet Uy] now, hindi ma-contact pati ang parish priest doon,” pahayag ni Fr. Salise sa Radio Veritas.
Aminado si Fr. Salise na hindi nila inasahan ang malaking pinsala na idinulot ng bagyong Odette kung saan suliranin ngayon ang pagkukunan ng pagkain at maging ng inumin ng mga apektadong residente matapos na masira ang public water sytem ng lalawigan.
“Matindi po talaga hindi ako nakatulog kasi nasira ang simbahan [namin] ngayon. I’m with the Bishop, dito rin mga puno natumba, may parokya binaha,” dagdag pa ng Pari mula sa Tagbilaran, Bohol.
Ganito rin ang suliranin ni Rev. Fr. Alex Cola, tagapamuno ng Caritas Cebu matapos na padapain ng bagyong Odette ang maraming bayan partikular na sa katimugang bahagi ng lalawigan.
“Buong Cebu wala pang kuryente may areas na wala pang signal especially sa south doon talaga dumaan ang bagyo ngayon ‘yong initial reports namin marami talaga ang affected saka ginawa ng evacuation center muna ang mga parokya,” pahayag ni Fr. Cola sa panayam ng Radyo Veritas.
Aminado si Fr. Cola na hirap ang mga apektadong residente sa mapagkukunan ng pagkain sapagkat sarado ang mga tindahan at tanging ang mga malalaking grocery lamang sa siyudad ang maaring pagbilhan sa ngayon.
“Very limited po kasi sarado ang mga tindahan dito… Yung mga evacuees humihingi sila ng pangkain meron mang tubig pagkain lang talaga yun ang kailangan ngayon,” dagdag pa ng Caritas Cebu Head.
Sa kasalukuyan ay sinisikap ng mga kaparian sa Central Visayas na makakuha ng impormasyon sa iba pang mga apektadong lugar at agad na makapagsagawa ng relief operation para sa mga nangangailangan.
Nagpahayag naman ng pakikiisa si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mga naapektuhan ng bagyong Odette at ipinahayag ang kagustuhan na agad na makatulong.
Ang bagyong Odette ay kasalukuyan pa rin binabagtas ang direksyon pakanluran at naitala na siyam na beses nang nag-landfall magmula ng pumasok sa Philippine Area of Responsibility.