572 total views
Hinimok ng commuters group ang mga driver na sumunod sa batas trapiko para sa kaayusan at kaligtasan sa lansangan.
Ito ang panawagan ni Atty. Ariel Inton-pangulo ng Lawyers for Commuters Safety and Protection at Stop NCAP Coalition, kasunod ng paglalabas ng Korte Supreme ng Temporary Restraining Order laban sa ipinapatupad na No Contact Apprehension Policy (NCAP)sa limang lungsod sa Metro Manila.
“Ang ipinaglalaban natin dito ay hindi ‘yung tayo ay free for all sa lansangan, ang pinaglalaban natin dito ay maayos at pantay na disiplina at ika nga ‘yung napaprusahan ay ‘yung talagang violator. Dahil ‘yung NCAP ng LGU ay iba ang nangyayari, hindi talaga nadidisiplina ‘yung mga driver,” ayon kay Inton sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Paliwanag ni Inton, bagama’t sang-ayon sa layunin ng NCAP na madisiplina ang mga driver ay hangad nilang maipatupad ng maayos at pantay na disiplina kaugnay sa mga paglabag sa lansangan.
Kasunod ng inilabas na TRO ng Supreme Court, magsusumite naman ng apela ang commuters group sa Land Transportation Office (TRO) upang tanggalin ang alarma sa mga sasakyang lumabag sa NCAP upang makapagparehistro.
Una na ring umani ng batikos ang mga NCAP na ipinatutupad sa apat na lungsod ng Metro Manila kabilang na Valenzuela, Maynila, Quezon, at Paranaque.
Ito ay dahil na rin sa laki ng penalties at hindi naipapadalang notice of violations (NOV) sa mga lumalabag na drivers at may ari ng sasakyan lalo ang mga pampublikong sasakyan.