182 total views
“I was a stranger and you welcome me.”
Ito ang mga kataga ni Hesus na ibinahagi ni Msgr. Esteban Lo, LRMS – Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Mission at Episcopal Vicar for Foreign Communities, sa paglulunsad ng Share the Journey Migrants Campaign sa Archdiocese of Manila noong September 27, 2017.
Ayon kay Msgr. Lo, bilang isang Kristiyano, nawa ay maging palakaibigan at maging bukas ang mga Filipino sa pagtanggap sa mga dayuhang walang pamilya o itinuturing na bagong salta sa isang lugar.
“Wala silang masyadong mga kaibigan o walang masyadong mga opportunities. So bilang mga Kristiyano nawa ay maging friendly tayo sa kanila. Of course nung maliit tayo sinabihan tayo don’t talk to strangers pero sabi din ng Panginoong Hesus, I was a stranger and you welcome me so we have to strike a balance somewhere. ” pahayag ni Msgr. Lo sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Msgr. Lo, marami ding mga Filipino ang umaalis ng bansa upang makipagsapalaran sa ibayong dagat kaya naman marapat lamang na tratuhin natin ng maayos ang mga dayuhan sa Pilipinas, upang ganito din ang maging pagtrato sa mga Filipino sa ibang bansa.
“To be friendly, to be supportive, to be helpful to the migrants, local migrants in our midst and specially among the foreign migrants na galing pa sa ibang bansa dapat nating alalahanin na madami ding Filipino na migrants sa ibang bansa so sana kung gusto nating i-welcome ang mga Filipino migrants sa ibang bansa, i welcome din natin ang mga foreign migrants dito sa atin, [let us] do unto others what you like others to do unto you,” dagdag pa ng Pari.
Samantala, bukod sa pagsasabuhay ng mga Katoliko sa Share the Journey Migrants Campaign, naniniwala si Mgr. Lo na maipalalaganap din ang “Culture of Encounter” na kaakibat ng kampanya sa mga taong may ibang pananampalataya, dahil aniya, ang bawat tao, Kristiyano man o hindi ay may kabutihang taglay sa kanilang mga puso.
Batay sa pag-aaral ng United Nations High Commissioner for Refugees sa nakalipas na dalawang dekada ay malaki ang nadagdag sa bilang ng mga taong napipilitang umalis mula sa kanilang mga tahanan, at noong 2016, mahigit 65.6 na milyong indibidwal sa buong mundo ang naitalang mga lumilikas dahil sa patuloy na kaguluhan.
Marami sa mga ito ay nagmula sa mga lugar na Syria, Iraq, Yemen, Sub-Saharan Africa, Burundi, Central African Republic, Democratic Republic of the Congo, South Sudan at Sudan.
Sa Pilipinas, batay sa huling pagtataya ng Internal Displacement Monitoring Center noong 2015 ay umaabot sa 119,000 indibidwal ang umaalis mula sa kanilang mga tahanan dahil sa digmaan.
Kabilang na dito ang humigit kumulang 2,000 mga Lumad na kamakailan ay nagsagawa ng Manilakbayan upang ipabatid sa publiko ang ginagawang pang-aabuso at pagpapalayas sa kanila mula sa kanilang lupaing minana.
(Yana Villajos)