475 total views
Kinatigan ng Ibon Foundation ang pag-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior sa House Bill 7575 na magtatayo ng Bulacan Airport Special Economic Zone (eco-zone).
Ayon kay Sonny Africa – Executive Director ng institusyon, malaki ang malulugi sa pamahalaan dahil sa mga tax incentives at holidays na ibinibigay sa mga negosyong itatayo sa eco-zone.
“Tama lang ang pag-veto ng proposed Bulacan ecozone, pagtangka ito na bigyan ng napakalaking fiscal incentives at awtoridad ang proyekto ng SMC na mapanira sa kalikasan at hanapbuhay ng mga komunidad,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Africa sa Radio Veritas.
Paninindigan din ni Africa na tanging kasiraan sa kalikasan at kabuhayan ng mga mamamayan sa Bulacan ang dulot ng proyekto ng kumpanyang San Miguel Corporation.
“Liban sa mga insentibo, ang pagpapatayo ng ecozone ay may kaakibat din na paggastos sa bahagi ng gobyerno. Parang naging subsidyo ito sa tubo at kita ng mga mamumuhunan. Hindi rin ito tama,” ayon pa kay Africa.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang dahilan ng pag-veto sa HB 7575 ay dahil sa malaking tax incentives kung saan maaring napakababa o hindi pagbabayarin ng buwis ang mga negosyong mamumuhunan sa eco-zone na banta at karagdagang pasakit sa mamamayan.
Sinabi ng pangulong BBM na ang 60-kilometrong pagitan ng Clark Special Economic and Freeport Zone at Bulacan Airport Special Economic Zone ay malapit ang pagitan na labag sa saligang batas at polisiya na ipinatupad sa mga special economic zone sa bansa.
Unang kinundena ng Ecumenical Bishops’ Forum, Bulacan Ecumenical Forum at iba pang makakakalikasang grupo ang pagpapatayo ng paliparan.
Ito ay dahil sa pinsalang idudulot ng proyekto sa kalikasan at kabuhayan ng mga mamamayan sa paligid ng paliparan.