250 total views
Mga Kapanalig, alam niyo bang ngayon ay ang Pandaigdigang Araw ng mga Guro o World Teachers’ Day? Idineklara ito noong 1994 ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization o UNESCO. Ngayong taon, ang pagdiriwang nito dito sa Pilipinas ay may temang “Guro, Kabalikat sa Pagbabago.” Tunay ngang kabalikat natin sila sa pagbabago, lalo na ngayong ipinatutupad natin ang pinakamalaking pagbabago sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas: ang K to 12 Program. (Muli, ang programang ito ay nagdagdag ng dalawang taon sa dating sampung taóng basic education.)
Sa gitna ng budget deliberation kamakailan sa Kongreso, inamin ng Department of Education o DepEd na malaki pa rin ang kakulangan sa bilang ng mga guro. Ito ang pangunahing dahilang sinabi ng DepEd sa likod ng halos 600 bilyon pisong budget na hiniling sa Kongreso ng kagawaran para sa 2017. Mas mataas ito ng 31 porsyento kumpara sa budget na ginugugol sa kasalukuyang taon. Target ng DepEd na punan ang pangangailangan para sa mga guro ng Science, Math, at English. Tinatayang 15,000 guro ang kailangan.
Upang makahikayat ng mga bagong guro, planong itaas kaysa sa kasalukuyang entry-level ang sahod na ibibigay sa mga magtuturong scholars ng Department of Science and Technology o DOST. Sinasabi kasing mababa ang pasahod sa ating mga guro, bagay na nangyayari rin sa ibang bansa at minsan nang pinuna ni Pope Francis. Bagamat hindi pa ganoon kalaganap ang paggamit ng teknolhiya lalo na sa ating mga pampublikong paaralan, sinabi ng ating Santo Papa na walang makapapantay sa isang mahusay guro. Totoong maraming nalalaman ang mga kabataan sa computer at Internet, ngunit nangangailangan ng isang mabuting guro upang turuan sila ng values, wastong pag-uugali, at pagpapakatao. Ang mga guro rin ang humuhubog ng pag-asa sa mga kabataan upang magpursiging bumuo ng isang matiwasay na lipunan, dagdag pa ni Pope Francis.
Hinihikayat din ng DepEd ang mga nagtapos ng mga kursong may kinalaman sa science, math, at engineering na magturo kahit wala pang lisensya. Ngunit ang hakbang na ito ay ikinabahala ng CEAP o ang Catholic Education Association of the Philippines. Ayon sa CEAP, napakalaki ng responsibilidad ng mga guro kaya’t dapat na panatilihing mataas ang pamantayan sa pagpili ng mga guro. Nararapat naman talagang mapunuan ang kakulangan ng mga guro, ngunit hindi natin dapat ikompromiso ang kalidad ng edukasyon, lalung-lalo na sa mga pampublikong paaralan kung saan pumapasok ang mas maraming mga kabataang Pilipino. Kailangan din umanong tiyakin na ang kaalaman at kasanayan ng mga kukuning guro ng DepEd ay sapat at akma sa subject na kanilang ituturo.
Bagamat sinasabi sa mga panlipunang katuruan ng Simbahan, gaya sa Amoris Laetitia ni Pope Francis, na ang pagtuturo sa mga kabataan ay pangunahing tungkulin ng mga magulang, kinikilala natin ang kahalagahan ng mga guro bilang mga katuwang sa paghubog ng kaisipan ng ating mga anak. Tinatawag nga natin silang mga “pangalawang magulang”, hindi po ba? Kaya’t mahalagang may pakialam tayo sa kalidad ng edukasyon sa ating bansa, at kaakibat nito ang pagtiyak na mayroon tayong sapat at marurunong na mga guro sa ating mga paaralan, at sila ay napapasahod nang tama at nakatatanggap ng nararapat na mga benepisyo.
Mga Kapanalig, matagal nang problema ang kakulangan ng bilang ng mga guro sa ating mga paaralan, ngunit mas lumaki pa ang pangangailangan dahil nga sa K to 12. Kung itinuturing nga nating tunay na kabalikat ang mga guro sa pagbabago, nararapat lamang na bigyan sila ng sahod na sapat at makapagbibigay sa kanilang ng disenteng pamumuhay. Hindi lamang trabaho ang pagiging guro. Isa itong bokasyon, isang pagtataya upang hubugin ang kinabukasan ng bayan.
Sa atin pong mga masisipag na guro, Happy World Teachers’ Day po sa inyo!
Sumainyo ang katotohanan.