1,969 total views
Naniniwala si Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong na napapanahon ng manindigan ang mga halal na lingkod bayan para sa kabutihan at kinabukasan ng bansa.
Ito ang ibinahagi ng alkalde na isa sa nagsisilbing convenor o tagapagsulong ng adhikayin at misyon ng bagong lunsad na Mayors for Good Governance (M4GG).
Ayon kay Mayor Magalong, nararapat lamang na manindigan sa matapat at marangal na pamamahala ang mga halal na opisyal ng bayan para sa kapakanan at kinabukasan ng buong bansa.
“Good governance, let us spread it like wildfire so that we will be able to affect other political leaders, I urge you ladies and gentlemen to join us Mayor for Good Governance in this cause, each one of us has a choice sabi nga nila the choices that we make today will determine our future, the choice that we made today will determine our character, we are making a choice now.” Ang bahagi ng pahayag ni Mayor Magalong.
Pagbabahagi ng alkalde, sadyang nakadidismaya ang paglaganap ng korapsyon at katiwalian hindi lamang sa larangan ng politika o hanay ng pamamahala sa bansa kundi maging sa iba’t ibang mga sangay at ahensya ng pamahalaan.
“Corruption is now a norm in the government sadly, good governance is simply an exemption, nakakalungkot corruption is now pervasive in the entire political spectrum hindi lang among political leaders but also national agencies its pervasive, nakakalungkot.” Dagdag pa ni Mayor Magalong.
Giit ng alkalde, bahagi ng misyon ng Mayors for Good Governance (M4GG) na labanan ang paglaganap ng katiwalian at isulong ang maayos, matapat at marangal na pamamahala sa bansa para sa maganda at masaganang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
Paliwanag ni Mayor Magalong, kabilang sa adhikain ng M4GG na maimulat ang kamalayan ng taumbayan sa good governance upang magsilbing batayan sa pagpili ng mga karapat-dapat na mga lider ng bayan.
“Gusto nating magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga kabataan, we want to raise awareness to the evils of corruption, the benefits of good governance hoping that one day no less than the people themselves will demand good governance from the political leaders.” Ayon pa kay Mayor Magalong.
Ang Mayors for Good Governance (M4GG) ay isang cross-party network ng mga local chief executives na may iisang adhikain na maglingkod ng buong tapat sa kanilang tungkulin para sa kabutihan ng mamamayang Pilipino.
Sa kasalukuyan umaabot na sa mahigit 100 mga alkalde mula sa iba’t ibang mga lungsod sa Luzon, Visayas at Mindanao ang lumagda ng pakikiisa sa Mayors for Good Governance Manifesto.
Bukod kay Mayor Magalong kabilang din sa mga convenors ng M4GG sina Isabela de Basilan Mayor Sitti Turabin Hataman, Dumaguete City Mayor Felipe Antonio “Ipe” Remollo, Municipality of Kauswagan Mayor Rommel Arnado, Quezon City Mayor Joy Belmonte at Marikina City Mayor Marcy Teodoro.
Samantala kabilang sa mga alkalde na una ng lumagda sa Mayors for Good Governance Manifesto mula sa NCR (National Capital Region) ay sina Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon at Pasig City Mayor Vico Sotto.
Unang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na ang pulitika ay isa sa pinakamataas na paraan ng pagmamalasakit sa kapwa dahil sa pagtutuk sa common good o ang mas makabubuti para sa lahat.