978 total views
Mga Kapanalig, dahil sa hindi pa rin epektibong pagkontrol sa COVID-19, nananatiling sarado ang mga paaralan. Hindi pa rin nakababalik ang mga estudyante sa kolehiyo sa kanilang mga eskuwelahan, at hanggang sa ngayon ay nag-aaral pa rin sa pamamagitan ng tinatawag na “flexible learning.” Ang flexible learning ay maaaring online, offline, o blended. Sa online, kailangan ng mga gadgets at internet. Sa offline, binibigyan ang mga estudyante ng modules o mga video at audio na maaaring ilagay sa mga tinatawag na storage devices. Kombinasyon naman ng online at offline ang blended learning.
Para kay Commission on Higher Education chair Prospero de Vera, ang flexible learning na ang magiging norm o kalakaran sa pag-aaral ng mga nasa kolehiyo. Huwag na raw asahan ang pagbabalik ng mga nakasanayang face-to-face na klase sa mga silid-aralan. Kung babalik daw sa tradisyunal na pamamaraan ng pag-aaral, masasayang daw ang naging investment ng pamahalaan at ng mga unibersidad sa teknolohiya, pagsasanay ng mga guro, at pagsasaayos ng mga pasilidad. Layunin daw ng patakarang ito ng CHED na iwasang malantad ang mga mag-aaral, kanilang mga guro, at iba pang nagtatrabaho sa mga eskuwelahan sa panganib na dala ng panibagong pandemya sa hinaharap.
Sa kabila ng paliwanag na ito ng CHED, may mga grupo ng mga kabataan ang nagsabing hanggang ngayon ay hiráp pa rin ang maraming mag-aaral, pati na sa kolehiyo, sa flexible learning. Wala mang malinaw na bilang kung ilan sa mga nasa kolehiyo ang sinasabing nahihirapan, hindi maitatangging napakalaking hamon ang ibinunga ng pandemya sa pag-aaral ng mga estudyante. Kahit pa sa mga may internet sa kanilang bahay, napakahirap ng online learning dahil sa bagal na internet sa Pilipinas. Sa sampung bansa sa ASEAN, pang-anim ang Pilipinas sa tinatawag na mobile at broadband speeds. Mahal din ang internet sa ating bansa: ang average cost of broadband per megabit sa isang buwan sa Pilipinas, ayon sa pag-aaral, ay nasa 0.75 dolyar (o 36 na piso), lubhang mataas kumpara sa 0.04 dolyar sa Singapore at 0.12 dolyar sa Thailand.
Online man o offline, mahirap din para sa mga estudyante ang mag-aral sa kanilang bahay. Kailangan nilang gumawa ng mga gawaing bahay. Siguradong may ilang nasa tinatawag ding toxic family environment. Hindi rin lahat ay may komportable at tahimik na espasyo upang makapag-concentrate. Malaki rin ang epekto sa kanilang mental health ng takot na dala ng COVID-19 at ng kawalan nila ng pagkakataong makasama ang kanilang mga kaibigan.
Ilan lamang ito sa mga mabibigat na dahilan kung bakit hindi nakatutulong ang naging pahayag ng CHED na “flexible learning will be the norm.” Magiging epektibo lamang ito para sa mga mag-aaral na may kakayanang magpatuloy ng kanilang pag-aaral kahit wala sa paaralan. Ang katotohanan, napakarami sa ating kabataan ang walang ganitong pribilehiyo, kaya’t hindi na tayo magtataka kung may mga pipiliing huminto sa pag-aaral at maghanap na lang ng trabaho, kung may makita man sila.
Sabi nga sa Catholic social teaching na Laborem Exercens, lubhang napakahalaga ng edukasyon para sa paglago ng tao. “Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan,” wika pa sa Mga Kawikaan 16:16. Ang edukasyong natatanggap sa kolehiyo ang humuhubog sa mga mamamayang tutugon sa mga tunay na pangangailangan ng lipunan katulad ng mga guro, doktor, at iba pang propersyonal. Ngunit kung may mga napagkakaitan ng pagkakataong makatungtong sa kolehiyo dahil sa mga balakid na dala ng mga patakaran sa edukasyon, tayo, bilang isang lipunan, ang mawawalan din.
Mga Kapanalig, sa halip na tuluyang isara ang pinto ng mga paaralan, sana ay mag-isip ang pamahalaan ng paraan upang ligtas nang makabalik ang ating mga estudyante.
Sumainyo ang katotohanan.