46,475 total views
Ang mga bata ay itinuturing na pinakamahalagang yaman ng isang bansa. Sila ang kinabukasan at pag-asa ng lipunan. Sa Pilipinas, ang karapatan ng mga bata ay pinahahalagahan at pinoprotektahan ng batas. Pero sa kabila nito, marami pa ring bata ang nakararanas ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso, karahasan, at diskriminasyon.
Maraming hamon sa buhay ang mga kabataan ng ating bayan. Halimbawa, pagdating sa mga disasters bunsod ng mga natural na kalamidad, ang mga batang Pilipino ang pinaka-naapektuhan. Ayon nga sa UNICEF, ang ating bansa ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng child displacements sa nakaraang anim na taon. At dahil nasa panahon tayo ng climate change maaring pang dumami ang bilang na ito.
Ang isyu rin ng mental health ay isa sa mga pinakamalaking hamon ng kabataan sa ating bayan. Dumarami na ngayon ang mga insidente ng self-harm. Nakita nga rin sa 2021 Young Adult Fertility and Sexuality Study (YAFS5) na mas maraming mga kabataan ngayon ang nakakaramdam ng depressive symptoms. Marami sa kanila, hirap ishare o ibahagi ang nararamdaman sa pamilya o kaibigan.
Ang physical health din ng ating mga kabataan ay malaki pa ring isyu, kapanalig. Pervasive pa rin ang malnutrition sa ating bayan. Dahil nga sa malnutrition, 95 na batang Pilipino ang namamatay kada araw. Dahil din sa malnutrition, stunted o nababansot ang maraming kabataan sa ating bayan.
Kung mahina ang katawan, kapanalig, syempre mapurol rin ang pag-iisip ng mga kabataan. Mahirap mag-aral kung kumakalam ang sikmura. Nakakaapekto rin ang kakulangan sa nutrisyon sa motor skills at cognitive skills ng bata. Kaya’t di rin nakapagtataka kung bakit lagi tayong kulelat sa mga international education assessments.
Ang laki at ang dami ng hamon sa buhay ng kabataan sa ating bayan, kapanalig. At hindi pa ito ang lahat. Ang dami ng kasong pang-aabuso sa kabataan, mapa-online o offline, ay hindi pa rin epektibong natutugunan ng ating lipunan.
Kapanalig, ano ba ang hinihintay natin bago natin mabigyan ng proteksyon at kalinga ang mga bata? Kailan natin tututukan ang kanilang sitwasyon upang magkaroon naman ng ginhawa ang kanilang buhay? Ang mga bata ay umaasa lamang sa atin para sa kanilang survival at protection. Anong ginagawa natin upang maganda ang kanilang kinabukasan?
Ang mga hamon sa kabataan, ang kanilang kagipitan at kalupitang kinakaharap ay sumisira sa kanilang dignidad. Sabi nga sa Gaudium et Spes – ang mga kalupitang ito ay insulto sa kanilang dignidad at lason sa ating lipunan. Ang patuloy nating pagpapabaya sa kanilang sitwasyon ay sisira hindi lamang ng buhay ng mga kabataan, kundi ng ating lipunan, at ng kinabukasan nating lahat.
Sumainyo ang Katotohanan.