208 total views
Mga Kapanalig, inilarawan ni Pope Francis ang tumataas na bilang ng mga kaso ng domestic violence o pang-aabuso sa loob ng tahanan bilang “almost satanic”, halos gawain ng demonyo. Sinabi niya ito sa isang panayam noong isang linggo kung saan kasama niya ang isang babaeng biktima ng domestic violence na umalis sa poder ng kanyang mapanakit na asawa ngunit ngayon ay walang hanapbuhay at tirahan.
Bakit daw ito “satanic”? Paliwanag ng Santo Papa, ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga babae at kanilang mga anak ay nagpapakita ng pagsasamantala sa kahinaan ng mga taong hindi kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Kahiya-hiya ito, dagdag pa niya.
Dahil sa pandemya, napilitan tayong manatili nang mas matagal sa ating mga bahay, at sa ganitong mga pagkakataon, nagiging target ng iba’t ibang porma ng pananakit at pang-aabuso ang mga misis at ang mga musmos. Matindi na nga ang epekto sa kalusugan ng kanilang isip (o mental health) ang mga pagbabawal sa paglabas at pagpunta sa mga lugar kung saan sila makapagpapahinga at makapaglilibang, nakadadagdag pa ang pisikal at emosyonal na sakit na dala ng karahasang ginagawa ng mismong mga kapamilya ng mga babae at bata. Wala pa man ang pandemya, tatlo sa limang batang Pilipino ang nakaranas ng physical at psychological violence, habang isa sa lima naman ang sekwal na inabuso. Mula ang mga datos na ito sa National Baseline Study on Violence Against Children na ginawa noong 2016.
Lumalabas naman sa latest na ulat ng gobyerno na bumaba pa ang bilang ng mga naitatalang kaso ng domestic violence sa mga unang buwan ng pandemya. Bumaba raw nang mahigit 50% ang mga nai-report sa mga Women and Children Protection Units. Ngunit hindi nito nangangahulugang bumaba ang bilang ng mga kaso ng pang-aabuso at pananakit sa loob ng mga tahanan. Dahil sa mga restrictions nga sa paglabas ng mga tao, hindi na lang nagpupunta ang mga biktima sa mga kinauukulan upang mag-report at humingi ng tulong. Gayunman, nangangailangan ng masusing pag-aaral at pangangalap ng datos upang malaman kung gaano kalawak at katindi ang problemang ito sa ating bansa.
Sa isang survey naman na ginawa ng NGO na Oxfam Pilipinas, lumabas na 3% lamang ng mga kalahok ang nagsabing mayroon silang access sa mga tinatawag na gender-based violence desks. Sa mga ito maaaring dumulog ang mga biktima ng karahasan, ngunit dahil sa pandemya at mga kalamidad katulad ng bagyo, maraming babaeng biktima ng domestic violence ang nawalan ng access sa mahalagang serbisyong ito. Lumabas din sa survey na halos kalahati ng mga lumahok ang nagsabing wala naman silang nalalamang maaaring mapuntahan para sa suporta sakaling sila o ang kakillala nilang babae ay mabiktima ng pang-aabuso.
Sa tindi ng krisis na dala ng pandemya, nakakaligtaan na natin ang iba pang hirap na nararanasan ng mga kapatid nating ayon nga kay Pope Francis ay walang kakayanang ipaglaban ang kanilang mga sarili. Ang mas nakalulungkot, nangyayari ang pang-aabuso at pananakit sa kanila sa loob ng bahay, sa lugar kung saan sila dapat nakararamdam na sila ay ligtas at kinakalinga.
Mga Kapanalig, ginugunita natin ngayon sa Simbahan ang pagiging martir ng mga sanggol na ipinapatay ni Herodes dahil sa takot sa pagdating ni Hesus. Kakila-kilabot ang pagsasalaysay tungkol dito sa Mateo 2:1-18. May mga Herodes din sa loob mismo ng ating mga tahanan. Sila ang mga taong ang turing sa mga babae at bata ay mga pag-aaring pwedeng saktan. Huwag nating ipikit ang ating mga mata kapag may malaman tayong kaso ng pangmamaltrato sa mga babae at bata sa ating komunidad. Huwag tayong magdalawang-isip na tulungan sila at ipadamang hindi sila pinapabayaan ng Diyos.