4,735 total views
Homiliya Para sa Ika-20 Linggo ng Karaniwang Panahon, 20 Agosto 2023, (Paggunita kay San Exequiel Moreno), Mat 15:21-28
Isa sa mga pinagtalunan ng mga sinaunang mga Kristiyano ay may kinalaman sa tanong: “Pwede rin bang mabinyagan ang mga hindi Hudyo o hindi kabilang sa Bayan ng Israel?” Totoo naman na noong una, parang sekta lang ng mga Hudyo ang kilusan ng mga unang Kristiyano. At si Hesus mismo hindi naman talaga siya gaanong lumayo. Umikot lang siya sa bayan ng Israel. At tulad nga ng narinig nating sagot niya sa babaeng Cananea: “Ako ay isinugo para lamang sa mga tupang ligaw ng Israel.”
Noon pa man, kahit sa mga Israelita—malakas na rin ang diskriminasyon. Ang tinuturing nilang mga miyembro ng “Bayan ng Diyos” ay iyun lamang mga sumusunod sa mga batas ng kanilang relihiyon, mga pumapasok sa mga Sinagoga, mga sumusunod sa patakaran ng pananampalatayang Hudyo. May invisible na bakod sa pagitan ng mga taga-loob at taga-labas. Karamihan sa mga Rabbi nanatili lang sa loob ng sinagoga at tinutukan lang ang mga nagpapasakop. Siyempre, karamihan dito ay mga may-kaya, mataas ang pinag-aralan, may impluwensya sa lipunan.
Dito naging kakaiba si Hesus. Kahit kabilang siya sa mga taga-loob, at nagsanay na maging Rabbi, hindi siya nanatili sa loob ng Sinagoga. Lumabas siya sa mga kalsada, sa mga tabing-dagat. Nangaral siya hindi lang sa pulpito kundi sa mga bangka, sa gilid ng bundok, sa mga kainan, nakihalubilo sa mga ordinaryong tao, pati na yung halos walang nalalaman tungkol sa relihiyon at mga itinuturing na marumi o makasalanan o lumalabag sa mga kautusan. Katulad halimbawa ng mga mismong unang naging mga alagad niya. Saan ba niya sila nakatagpo? Sa may dalampasigan ng Lawa ng Galilea, nangingisda. Pero sabi ng ebanghelyo, araw daw iyon ng Sabbath. Ibig sabihin, ang mga kinaibigan niya ay mga tipong nagtatrabaho naghahanapbuhay kahit sa araw ng Pahinga o Sabbath. Bakit? Kasi karamihan sa kanila ay mga dukha o mahihirap. Mga tipong magugutom kung hindi maghahanapbuhay. Kaya ang madalas na batikos sa kanya ay paglabag daw niya sa batas ng Sabbath.
Ang mga taga-labas—sila ang tinatawag niyang “mga tupang ligaw sa bayan ng Israel.” Pero ang lubos na paglabas ng mga unang Kristiyano patungo sa mga hindi Hudyo o hindi kabilang sa bayang Israel ay mangyayari pa lamang sa gagawin ng mga unang misyonerong katulad ni San Pablo. Meron na ring nagmisyon at lumabas ng Israel bago pa si San Pablo pero mga Hudyo pa rin ang mga tipong tinututukan nila, mga Hudyo sa Diaspora na dumadalo sa mga Sinagoga—mga Hudyo na nagkalat sa iba’t ibang mga bansa. Mga Hudyo na hindi na Hebreo ang salita kundi Griyego, at kakaiba na ang kulturang kinalakihan.
Binago ni San Pablo ang kalakaran nang lumabas siya sa Sinagoga at nangaral din sa mga tinatawag na “Gentiles”—ibig sabihin mga “taga-labas”, hindi lang labas ng Sinagoga, kundi labas ng Bayang Israel. Ito ang narinig natin sa ikalawang pagbasa. Na ang misyon na ipinagkatiwala sa kanya ay maging APOSTOL NG MGA itinuturing na TAGA-LABAS, mga hindi-Hudyo, mga dayuhan o pagano. Paniwala kasi nila noong una na si Yahweh ay Diyos lang ng Israel.
Mukhang pinag-aralang mabuti ni San Pablo ang mga Banal na Kasulatan ng mga Hudyo. Alam niya na mula pa noong panahon ni propetang Isaias, nagsimula na ang malakas na adhikain ng paglabas sa mga bakod ng lahi, bakod ng relihiyon, bakod ng antas ng kabuhayan, atbp. Mukhang alam din ni Isaias ang pangako ni Yahweh kay Abraham: “Pagpapalain kita upang a pamamagitan mo ay makaabot ang aking pagpapala sa lahat ng mga bansa.” (Gen 12:2-3) Narinig din natin ito sa first reading: hindi daw totoo na ang kaligtasang hangad ni Yahweh ay para lang sa Israel. Bukas din daw ang “Banal na Bundok” (ibig sabihin, ang templo) sa mga dayuhan. Sapagkat wika ng Diyos ayon kay Isaias, “ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan para sa lahat ng mga bansa.” (Isa. 56:7)
At sa ating ebanghelyo,ito rin ang punto ni San Mateo—na ang paglabas sa bakod ay nagsimula na kay Hesus. Kaya napakahalaga ng kuwentong ito tungkol sa babaeng Cananea na pilit humihingi ng tulong para sa anak niyang maysakit. Sa una, dinedma daw siya ni Hesus. Actually, nakiusap na raw ang mga alagad kay Hesus na pagbigyan na siya, hindi dahil naaawa kundi dahil nakukulitan na sila sa kanya . Pero hindi pa rin bumigay si Hesus. Noon nga niya sinabing diretsahan sa babae na hindi siya kasali sa misyon niya. Masakit pa nga ang mga salitang binitawan niya, “Hindi tama na itapon ng maybahay ang pagkain ng mga anak niya sa mga aso.” Ang sagot ng babae: “Opo. Pero kahit aso, naghihintay ng mumo mula sa mesa ng amo.” Mukhang nayugyog si Hesus ng mga salitang iyon. At pinagbigyan niya ang babae. Sinabi pa niya: “Babae, dakila ang iyong pananampalataya.”
Ito ang naging inspirasyon ng mga misyunerong katulad ni San Exequiel Moreno. Isa siyang misyunerong Agustinong Recoleto. Ano ang pagkakaiba ng mga Agustino sa mga Recoleto? Parehong Agustino, pero misyunerong handang sumabak kung saan hindi sasabak ang mga Agustino. Ang unang nagdala ng pananampalatayang Kristiyano sa ating teritoryo ay mga Agustino. Pero sobrang hirap daw ng lugar natin, hindi masustento ang pagiging parokya kaya ipinasa ang misyon sa mga Recoleto.
May suspetsa akong nag-apostolate din dito sa atin si San Exequiel Moreno. Teritoryo kasi nila ang Caloocan. Ipinadala na siya dito sa Pilipinas seminarista pa lang, 17 years old pa lang siya. Naordenahan sa edad na 23 years old sa Maynila. Naging fluent sa Tagalog, nagmisyon sa Mindoro at Palawan hanggang sa edad na 40, bago siya bumalik ng Spain at nadestino naman sa Colombia. Noon naging obispo siya at nagpasimula rin ng mga misyon sa mga katutubo, mga tipo talagang hindi kaya ng mga regular na misyunero.
Consistent siya sa spirituality ng mga Recoleto, sumasabak kung saan mahirap. Handang humarap sa pagsubok; mas challenging, mas mabuti, hindi sumusuko hanggang sa nagkasakit na cancer at namatay, at naging patron ng mga taong humaharap sa mga matinding pagsubok sa buhay. Palagay ko, ginaya lang ng mga Recoleto ang babae sa ebanghelyo—pursigido kahit ineetsapwera, malakas ang loob, sumasabak, hindi sumusuko, makulit alang-alang sa minamahal niyang anak. Naantig niya ang mahabaging puso ni Hesus, nabuksan niya ang misyon papalabas, upang ang bahay ng Diyos ay maging totoong tahanan, hindi lang para sa mga banal at masunurin kundi para din sa mga hindi pinapansin, hindi kasali, mga isinasantabi o pinababayaan sa lipunan.