161 total views
Umaapela ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP sa pamahalaan na pakawalan na ang mga magsasaka na ikinulong matapos ang marahas na dispersal sa Kidapawan, North Cotabato.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, maaaring kasuhan ng pamahalaan ang mga magasasaka pero hindi dapat ikulong.
Iginiit ni Bishop Pabillo na nararapat panagutin sa batas kung sino ang nag-utos ng marahas na dispersal upang magkaroon ng katarungan sa insidente.
Binigyan diin pa ng Obispo na kailangang tugunan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga magsasaka tulad ng pagkain at pangkabuhayan matapos maapektuhan ng El Niño phenomenon.
“Ang demand ay bigyan ng pagkain ang magsasaka at lahat ng naapektuhan ng El Niño. Bigyan ng support sa kabuhayan nila. Parusahan ang nag -utos ng violent dispersion at pakawalan na ang dinidetain nila. Kung kakasuhan nila gawin nila iyon pero hindi sila i-detain.”pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Naunang umaapela ang National Union of Peoples Lawyers na gawin na lamang 2-libong piso ang piyansa sa may 70-magsasaka mula sa 12-pisong hinihingi para sa kanilang kalayaan.
Samantala, mula sa datos ng Department of Agriculture, ang Region-12 ang pinakamalubhang tinamaan ng tagtuyot kung saan 17-hektarya ng lupang pansakahan ang apektado at 20-libong magsasaka ang direktang naghirap dahil dito.