284 total views
Labing limang libong mga kabataan mula sa sampung Diyosesis sa buong Pilipinas ang nagsama-sama sa Singles and Youth Faith on Fire (SYFOF) Conference na Relentless 2017 sa Smart Araneta coliseum.
Ayon kay Diocese of Cubao Bishop Honesto Ongtioco, maituturing na biyaya mula sa Diyos ang presensiya ng mga kabataan na malaki ang naiaambag sa pag-unlad at patuloy na paglago ng isang lipunan.
“Una, itong mga pagtitipon na ito ay isang pagkakataon upang buhayin sila [kabataan] at bigyan ng magandang guidelines how they could be gift to God’s people and to the world. Sila ay isang magandang handog para sa ating lipunan, para sa mga tao at iyan ang ating dapat idiin sa kanila na marami silang maiaambag sa kanilang talino, sa kanilang kakayahan at sa kanilang dedikasyon,” pahayag ng Obispo.
Pinangunahan ng Lord’s Flock Catholic Charismatic Community New Generation Ministry ang taunang youth-gathering na naglalayong mas pag-alabin ang pananampalataya ng mga kabataan sa buong bansa.
Kaugnay nito ay naniniwala si Lord’s Flock US-based Youth Leader Erin Troy Flores na sa pamamagitan ng paggabay ng Panginoon ay malalampasan ng bawat kabataan ang temptasyon at magiging simula ng inaasam na pagbabago sa komunidad.
“Truly as we all know that the world today is filled with a lot of destructions and temptations especially for the youth which pull them away from God so it is important that we put more effort for them to remain in God’s grace and God’s presence,” pagbabahagi ni Flores.
Kaugnay nito, hinamon ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga dumalo na ipasa sa susunod na henerasyon ang pananampalataya na ipinakilala ni Hesus sa sangkatauhan.
Ang Relentless 2017 ay ika-anim na bahagi ng SYFOF Conference Series and Concerts na nagsimula noong 2012 na may temang Firestarter na sinundad ng Ablaze noong 2013, Wildfire noong 2014, Illuminate noong 2015 at We are Tour naman noong 2016.
Sa kanyang mensahe sa 2014 World Youth Day, inaatasan ni Pope Francis ang mga kabataan na maging tagapaghatid ng pagkakaisa at tagapanumbalik ng kapayaan sa mundo taglay ang pusong maawain at may takot sa Diyos.