236 total views
Hinikayat ni Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ang kabataan na muling balikan ang pag-aaral sa buhay ng mga Santo.
Ito ang mensahe ni Archbishop Tirona sa ginanap na misa sa National Shrine of Padre Pio sa Santo Tomas Batangas kung saan mananatili ang ‘incorrupt heart relic’ ni St. Padre Pio hanggang ika-26 ng Oktubre bago bumalik sa Italya.
“Kaya nga po nakapahalaga sa atin na pagnilay-nilayan ang mga buhay ng mga Santo, ibalik natin ang ating pagbabasa sa kanilang buhay lalu na kayong mga kabataan. Let us go back and read the lives of saints and let us go back and internalized their messages to us which actually only one message, that we must love God with all our heart, mind and soul,” homiliya ni Archbishop Tirona.
Sinabi ng Obispo na mahalagang pagnilayan ng mananampalataya higit ng mga kabataan ang mensaheng nais ipabatid ni Padre Pio, ang pagmamahal ng lubos sa Panginoon.
“Alam nyo ba na ang mga Santo at Santa, sila ay mga dakilang biyaya ng Diyos para sa atin. Una, para paalalahanan tayo na ang katotohanan na ang grasya ng Diyos ay hindi imposible na ang grasya ng Diyos ay nagkakaloob sa atin ng tagumpay laban sa kasamaan at kadiliman. Na ang grasya ng Diyos ay higit sa lahat ang siyang nagdadala sa atin sa puso ng ating nagmamahal na Diyos Ama,” ayon pa kay Archbishop Tirona.
Ipinaliwanag ni Archbishop Tirona na ipinakita sa buhay ni Padre Pio ang dalisay nitong pagmamahal sa Eukaristiya- ang dakilang biyayang handog ng Diyos sa sangkatauhan.
“The Eucharist is love. The Eucharist is sacrificed, the Eucharist is new life,” ayon pa sa Arsobispo.
October 6 nang dumating ang ‘heart relic’ ni Padre Pio sa Pilipinas na unang inilagak para sa public veneration sa National shrine bago ito dinala sa mga katedral ng Arkidiyosesis ng Maynila, Cebu at Davao.
Ayon naman kay Fr. Joselin Gonda, rector ng National Shrine of Padre Pio, may limang dahilan ang pagbisita ng ‘incorrupt heart’ ni Padre Pio sa Pilipinas.
Ito ayon sa pari ay ang pagdiriwang ng ika-100 taon ng tinamong stigmata ni Padre Pio- o sugat na katulad ng kay Hesus; ang ika-50 taon ng kaniyang kamatayan; at ang pagdiriwang ng simbahang katolika ng Year of the Clergy and Consecrated Persons.
Inihayag ni Fr. Gonda na ang pagdalaw ay bunsod na rin sa pagmamahal ni Padre Pio sa mga mananampalatayang Pilipino at ang pagmamahal na iniuukol ng mga Filipino kay Padre Pio na pinatunayan sa dami ng mga deboto na nagbigay ng pagpaparangal sa Santo.
Ang mga relic o relikya ay bahagi ng katawan at mga bagay na iniuugnay sa isang taong banal na pinangangalagaan ng simbahan sa paniniwalang dinadaluyan ito ng grasya ng Diyos sa mga taimtim na nananalangin at nagpupuri sa kanila.
Ang mga relikya ding ito ay nagpapatunay sa mga banal na namuhay at sumunod sa katuruan ng Panginoon.
Si Padre Pio ay isang Italyanong pari na kilala dahil sa kanyang kabutihan, pagkakawanggawa at ang pagkakaroon ng ‘stigmata’ o sugat na kawangis ng tinamo ni Hesus sa kaniyang pagpapakasakit. Si Padre Pio o Francesco Forgione ay isinilang noong 1887 sa Pietrelcina Italya, namatay noong September 1968 at idineklarang Santo ni Pope John Paul II noong 2002.