368 total views
Hinimok ng Obispo ng Diyosesis ng Malolos ang mga Katolikong kabataang Bulakenyo na suriin ang kanilang puso’t isip bilang paghahanda sa papalapit na pasko ngayong panahon ng adbiyento.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Malolos Bishop Dennis Villarojo kaugnay sa pagsisimula ng Diocesan Youth Day 2020 na pinalawig ng isang linggo ang paggunita sa pamamagitan ng online.
Ayon sa Obispo, ang panahon ng adbiyento ay dapat na gamiting pagkakataon ng lahat lalo na ng mga kabataan upang makapaglinay at masuri ang nilalaman ng kanilang puso bilang paghahanda sa pagdating ng mesiyas.
Pagbabahagi ni Bishop Villarojo, mahalagang suriin kung ano ang mga nilalaman ng puso na nakapagpapabigat lamang at nararapat ng iwan gayundin ang mga nararapat na ibahagi sa kapwa at panatilihin bilang paghahanda sa papalapit na pasko.
“Kayo po mga kabataan don’t think so much of material things na nandyan kundi kung ano ba yung nasa inyong puso na kinakailangan ninyong dalhin sapagkat mahalaga [kung] ano ba yung nasa inyong puso na kailangan niyong iwan sapagkat hindi na nakakatulong at nagpapabigat lamang, ano ba yung nasa inyong puso na gusto niyong ibigay at sino ang inyong pagbibigyan and when we look at these things in our heart dun tayo makakapaghanda [sa pagdating ng Panginoon]…” mensahe ni Bishop Villarojo.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang panahon ng adbiyento ay nangangahulugan ng paghahanda ng bawat isa para sa pagdating ng Panginoon at hinihikayat ang lahat na magbago upang maging karapat-dapat para sa pakikibahagi sa Panginoon.
“Ang pagdating ng ating Panginoon implies paglipat, paglipat galing sa ating kalagayan ngayon doon sa kalagayan na kaaya-aya ng ating Panginoon because He comes to tell us ‘gumising tayo sapagkat pupunta na tayo sa ating patutunguhan’ that is lipatan, lumipat at hindi tayo makakalipat kung hindi natin iisa-isahin ang mga bagay-bagay na ating dadalhin, ating iiwan, ating ipamimigay…” Dagdag pa ni Bishop Villarojo.
Nagsimula ngayong ika-6 ng Disyembre ang Diocesan Youth Day 2020 – Online ng Malolos at magtatagal hanggang sa ika-13 ng buwan.
Ayon sa pamunuan ng Diocesan Commission on Youth ng Malolos, dahil sa hindi maaaring gawin ang nakaugaliang paraan ng paggunita ng araw ng mga kabataan ay pinalawig ito ng isang lingo.
Tema ng Diocesan Youth Day 2020 – Online ng Diocese of Malolos ang “Kabataan: Lakas at Pag-asa sa Panahon ng Pandemya” na naglalayong maipamalas ang pag-ibig at pananampalataya sa Panginoon sa kabila ng mga krisis na dulot ng mga nagdaang kalamidad at ng Coronavirus Disease 2019 pandemic sa bansa.