404 total views
Inihayag ng isang opisyal ng Simbahang Katolika na mahalaga ang sektor ng mga kabataan sa lipunang ginagalawan.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ng CBCP, dapat alalahanin ng mga kabataan lalo na ang mga anak ng Overseas Filipino Workers na sila ang inspirasyon ng bawat OFW na magulang sa pagsusumikap sa ibayong dagat.
“We greet our youth especially the sons and daughters of our OFWs. Please remember mayroon kayong K, that is: Kabataan, kayo ang kaligayahan ng inyong mga magulang. Kabataan, kayo kayamanan ng inyong magulang. At kabataan, kayo ang kalakasan ng inyong mga magulang,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ang mensahe ng Obispo ay kaugnay sa pagbubukas ng Taon ng mga Kabataan sa Simbahang Katolika sa Pilipinas na pormal inilunsad noong ika – 2 ng Disyembre na ginanap sa Bataan People’s Center.
Ibinahagi ni Bishop Santos na sa pagpupulong sa Roma hinggil sa sektor ng mga migrante, ipinagmalaki ng Obispo na ang mga anak ng OFW sa Pilipinas ay maaasahan at ginagamit sa wastong pamamaraan ang perang pinaghihirapan ng kanilang mahal sa buhay sa ibang bansa.
“Hindi sila pasaway at problema bagkus sila ay naglilingkod sa Simbahan at mga kabataang nakikibahagi sa Parokya at ang kanilang panahon ay ginugugol sa mga magagandang gawain sa Simbahan,” ani ni Bishop Santos.
Ipinaliwanag ng Obispo na nagsusumikap sa pag-aaral ang mga kabataan upang ipakita sa mga magulang na O-F-W na may pinatutunguhan ang bawat sentimong kanilang kinikita sa paghahanapbuhay.
Kasabay ng paglunsad ng Year of the Youth binabati at nakiisa ang CBCP-ECMI sa lahat ng mga kabataan sa Pilipinas sa pagdiriwang ng kanilang taon bilang paghahanda sa ika – 500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Hamon ni Bishop Santos sa kabataan na gamitin itong pagkakataon upang ipamalas ang kanilang talento at kasanayan sa paglilingkod sa Panginoon at pakikibahagi sa misyon ng Simbahan na lingapin ang mga tumatamlay ang pananampalataya.
Sa tala, mula sa higit 80 milyong katoliko sa buong Pilipinas ay 20-porsiyento rito ang bilang ng mga kabataan na nasa edad 15 hanggang 24.