240 total views
“Manindigan sa tama.”
Ito ang mensahe ni Sr. Mary John Mananzan, dating executive director of Institute of Women’s Studies based in the all-girls school, kaugnay sa mga kilos-protesta ngayon ng mga estudyante partikular na ang mga kababaihan na may kinalaman sa sorpresang paghihimlay kamakaialan sa mga labi ng dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Nilinaw din ng madre na hindi sila namimilit ng mga estudyante para magprotesta sa lansangan sa halip humingi sila ng permiso sa mga magulang ng mga ito na ang iba ay pinayagan.
“Wala sa amin ang namimilit, sinulatan namin ang mga parents, kung ayaw ng bata hindi namin pipilitin, hindi patakaran ng eskuwelahan na pilitin ang kanilang estudyante,” pahayag ni Sr. Mananzan sa panayam ng Radio Veritas.
Pahayag pa ng madre na dating chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP), naging ‘blessing in disguise’ din ang blog ng isang estudyante ng College of St. Scholastica dahil nasa 1, 200 iba pa ang sumali at nakilahok dito na nagpapahayag ng suporta sa mga itinuturo sa kanila ng eskuwelahan may kinalaman sa critical thinking, social responsibility at social transformations.
“Blessing in disguise biglang nagising ang mga estudyante, imagine sa isang blog ng isang estudyante 1,200 ang sumali na sinasabi lahat “I am proud to be Scholastican”, dahil ang itinuturo sa amin critical thinking, social responsibility at social transformations, I am so proud of them,” ayon pa sa madre.
Kaugnay nito, ayon kay Sr. Mananzan dapat isinulat sa History books ang karumal-dumal na idinulot ng Martial Law sa taong bayan upang mamulat ang mga kabataan ngayon sa usapin kung bakit hindi dapat inilibing si Marcos sa LNMB.
“It is a failure of our generation, dapat isinulat yan sa mga history books, dapat nalagay yan sa curriculum, in our stand privately, kapag nag-uusap kami tungkol sa injustice nababanggit naming talaga ang Martial Law, dapat ito ay nasa curriculum requirements,” ayon pa sa madre.
Mamayang alas 4:30 ng hapon, magsasagawa na ng noise barrage, candle lighting at marcha ang grupo ni Sr. Mananzan kasama ang kanilang mga kapanalig habang bukas, November 25, 2016 ay makikibahagi din sila sa Friday Black Protest na isasagawa sa Luneta sa Maynila.
Nitong nakaraang Biyernes nang maihimlay si Marcos sa LNMB na dahilan ng sunod-sunod na protesta ng mga hindi sang-ayon dito sa pagsasabing hindi bayani ang dating Pangulo sa halip nagdulot ito ng pasakit sa bayan noong Martial Law kung saan higit sa 70,000 ang ikinulong higit 30,000 ang biktima ng torture at higit sa 3, 000 ang pinatay.