160 total views
Hinangaan at pinapurihan ng CBCP Episcopal Commission on Youth ang mga kabataang nakiisa sa kilos protesta sa lansangan matapos ang paghihimlay sa mga labi ng dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Rev. Fr. Kunegundo Garganta, executive secretary ng komisyon, humahanga siya sa lakas ng loob at tapang ng mga kabataan sa pakikisangkot para sa usaping panlipunan.
Pahayag pa ng pari, nakatutuwa na makikitang mayroon ng pagkukusa ang mga kabataan para sa pagsusulong ng katotohanan at katarungan.
Dagdag pa ni Fr. Garganta, umaasa siyang maipagpapatuloy ng mga kabataan ang kanilang pakikiisa at pakikisangkot sa iba pang pamamaraan para sa pagbuo ng isang makabagong lipunan.
Higit sa lahat ayon sa pari ay mapalalim pa ng mga kabataan ang kanilang pakikiisa para sa pananamplataya na mapaggagamitan ng kanilang oras, talento at kakayahan bilang mga kabataan.
“Salamat sa kanilang lakas ng loob, tapang at pakikisangkot para sa katotohanan at katarungan. I hope they will continue their participation through other means, like individually and communally engaging in the positive building of our society, being peers and mentors to other young people who are wayward. Harnessing their time, talent and treasure. Deepen involvement in faith and Church life,” pahayag pa ni Fr. Garganta.
Samantala, umabot nga sa may 10, 000 mga kabataan ang nagsama-sama sa kilos protesta sa People Power Monument noong Biyernes ng gabi matapos ang biglaang paglilibing sa labi ni Marcos sa LNMB.