178 total views
Karapatan ng bawat mamamayan na malaman kung saan nagmumula ang mga pondo at panggastos na ginagamit sa pangangampanya ng mga kandidato ngayong 2016 national at local elections.
Binigyan diin ni Prof. Ronald Simbulan – Vice Chairman ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG)na mahalagang maisapubliko ang mga indibidwal, negosyante at kumpanyang sumusuporta sa mga kandidato.
Ipinaliwanag ni Simbulan na malaki ang impluwensiya ng mga campaign donors sa mga isusulong at susuportahang programa kapag nahalal sa puwesto.
Batay sa pananaliksik ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at ulat ng Nielsen Media Monitoring Report, umaabot na sa 6.7 bilyong piso ang kabuuang gastos sa political advertisement ng mga kandidato na tumatakbo sa dalawang pinakamataas na puwesto sa bansa bago pa man magsimula ang opisyal na kampanya noong ika-9 ng Pebrero.
Batay pa sa tala ng Nielsen, 86.4% ng kabuuang Social Concerns advertisement mula March 2015 hanggang January 2016 ay galing sa mga kandidato.
Sinasabi ng panlipunang katuruan ng Simbahan Katolika na ang isang mabuting lider ay nagpapaalipin, nagpapakumbaba at tunay na naglilingkod sa taumbayan at sa kanyang mga nasasakupan ng walang halong sariling interes sa kanyang panunungkulan.