184 total views
Nabitin o nakulangan si dating CBCP President at Arsobispo Emerito ng Lingayen Dagupan, Archbishop Oscar Cruz sa huling presidential debates.
Inihayag ni Archbishop na hindi nabanggit ng mga presidentiables sa kanilang huling debate ang matagal nang inaasam ng mga magsasaka sa tunay na implementasyon ng repormang agraryo sa bansa.
Binigyan diin ni Archbishop Cruz na hindi lamang irigasyon ang solusyon sa problemang kinakaharap ng mga magsasaka na siyang pangunahing ipinangako ng mga kandidato sa pagka – pangulo.
Nakikita ni Archbishop Cruz na ang puno’t dulo ng paghihirap ng mga magsasaka sa bansa ay pagpapanatili ng (feudalism o pyudalismo) kung saan patuloy na pinag-aarian o kinukontrol ng iilang panginoong maylupa ang hekta-hektaryang lupain sa bansa.
“Hindi ko narinig sa debate yung genuine agrarian reform. At reporma yung talagang ipamigay yung lupa dun sa mga agrarian beneficiaries at siyempre kasama diyan yung patubig at kasama diyan siyempre yung clean power generation. Ito pong hindi nabanggit na hindi ko narinig. Yun pa naman ang programang kauna – unahang inilunsad noong Martial Law pagkatapos hanggang ngayon naghihintay pa,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid na tinatayang 7.8-milyong hektarya ng lupain ang sakop ng Comprehensive Agrarian Reporm Program.
At batay sa ulat ng Malakanyang noong Disyembre 31, 2013 nakapamigay na ng 6.9 milyong ektarya ng lupa ang pamahalaan, katumbas ng 88% ng kabuuang lupa sa ilalim ng CARP.
Samantala, iniulat ng Bureau of Agricultural Statistics noong 1991 na 9,500 panginoong maylupa lamang ang nagmamay-ari sa halos 21 porsyento ng kabuuang lupaing agrikultural ng Pilipinas.
Habang, mahigit dalawang milyong magsasaka, na nagmamay-ari lamang ng kulang sa tatlong ektarya bawat isa, ang nagsisiksikan at naghahati-hati sa 18.5 porsyento ng lupaing agrikultural.