204 total views
Ang mga kasambahay ay karaniwan nating sinasawalang-bahala. Ngunit kung wala sila, masisira ang pang-araw na araw na routine ng maraming pamilyang Filipino. Kapag wala sila, hindi makakapag-trabaho ng maayos at made-delay ang mga proyekto at mga gawain ng maraming mga manggagawa at empleyado. Kung walang kasambahay, walang suporta ang mga magulang sa pag-aalaga ng kanilang mga anak. Kung wala sila, madumi ang bahay, pati kasuotan. Hindi man natin aminin, ang mga kasambahay ay mahalagang bahagi ng ating pang-araw araw na buhay.
Kaya lamang sa ating bayan, marami pa ring mga kasambahay ang hindi nakakatatamo ng kanilang mga karapatan bilang mga marangal na manggagawa ng bayan. Sa katunayan, maraming mga pagkakataon kung kailan ang kanilang mga karapatan ay ni hindi kinikilala.
Ayon sa isang survey ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Philippine Statistics Authority (PSA), 50,000 sa 1.5 milyong kasambahay sa ating bansa ay mga minors. At sa bilang na ito, mga 4,900 ang nasa edad 15 pababa. Maliban pa dito, 35,000 lamang sa mga kasambahay sa bayan ang may pormal na kontrata. 1.4 milyon naman sa kanila ay wala pa ring social protection.
Kapanalig, moderno na ang panahon – ang mga mapanikil at makalumang pang-aalipin na nakasanayan noong sinauna ay dapat nawaglit na at naging leksyon na sa atin sa pagdaan ng panahon. Sa sitwasyon ng maraming kasambahay ngayon, tila sila ay nakatali sa modern-day slavery, at marami sa kanila, musmos pa nagsisimula.
Ang ating mga kasambahay ay mga anghel ng tahanan, at dapat nating tratuhin sila gaya ng nais natin na pagtrato sa ating sarili. Hindi sila nagtrabaho malayo sa kanilang pamilya upang maging alipin lamang ng ating pamilya. Sila ay marangal na nagbibigya na serbisyo sa pamilya mo. At gaya ng mga manggagawa at empleyado, kailangan nila na may kontrata, malinaw at angkop na mga gawain, tamang panahon ng pahinga, at nararapat na sweldo at benepisyo.
Ayon sa Rerum Novarum, sa mata ng lipunan, ang interes ng lahat, kahit pa mahirap o mayaman, ay pantay-pantay. Ang manggagawa ay pareho rin ang mga karapatan sa alta. Sa ating pakiki-harap sa ating mga angels ng tahanan, kapanalig, huwag natin kalimutang tulad mo, kawangis nila ang ating Panginoon. Kailan nating masiguro ang kanilang kapakanan, gaya rin ng pagsisiguro natin sa ating kagalingan.
Sumainyo ang Katotohanan.