423 total views
Kapanalig, iba na ang job market ngayon. Marami ng mga trabaho ang wala sa ating mga merkado ng mga nakalipas na taon. Magandang balita ito para sa maraming kabataan natin na naghahanap ng trabaho. Oportunidad ito para kumita ng mas malaki at magkaroon ng bagong kaalaman.
Kaya lamang, bago tayo makapasok sa mga makabagong trabaho ngayon, kailangan din natin, syempre, ng bagong kasanayan. Hindi natin maabot ang mga bunga at ganansya ng bagong merkado kung wala tayong kasanayan para dito.
Kapanalig, ang bulko ng mga bagong trabaho ngayon ay digital. Ayon nga sa isang pag-aaral, 75% ng mga employers sa apat na bansa sa Asya at Pasipiko ay tumaas ang demand para sa mga digital jobs nitong nakaraang limang taon. Inaasahan na mas tataas pa ang demand nito dahil tinatayang aabot ng $2 trillion ang e-commerce pagdating ng 2025. Handa ba ang ating education sector sa hamon na ito? Kaya bang magbigay ng kakailanganing kasanayan ng mga mag-aaral upang handa sila sa demand ng bagong merkado?
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), mababa ang digital literacy rate sa ating bayan. 40% lamang ang may isa sa anim na ICT skills na binabantayan para sa Sustainable Development Goals o SDG.
Kapanalig, para maging handa ang ating mga kabataan sa nagbabagong mundo ng komersyo sa buong mundo, kailangan natin pataasin, unang una ang digital literacy sa ating bansa. Hindi lamang ito hadlang sa pag-unlad ng mga kabataan. Ang mababang digital literacy ay hadlang din sa paglago ng ekonomiya ng bayan.
Komprehensibo dapat, kapanalig, ang ating pagtugon sa isyung ito. Kailangan tingnan din dito ang comprehension skills at math skills ng mga kabataan dahil ito ay pundasyon ng digital skills. Mahihirapan maka-akyat ng lebel ng digital skills mula basic hanggang advanced kung hirap magbasa at magbilang ang mga bata. Kung toothbrush drills pa lamang ang ating inihahanda ngayon para sa mga bata, malayo pa ang ating kailangang habulin.
Ang pagbibigay ng kasanayan sa mga mamamayan upang sila at ang kanilang pamilya ay maka-angat sa buhay ay ehemplo ng panlipunang katarungan. Sabi nga sa Pacem in Terris, lahat ay may karapatan sa mga paraan na angkop para sa wastong pag-unlad ng buhay. Kung ipagkakait natin ang mga kasanayan na kailangan ng mga kabataan para sa makabagong merkado, hindi lamang kinabukasan nila ang ating sinisira. Sinisira din natin ang kinabukasan ng bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.