463 total views
Pinuri ng Rector ng Minor Basilica and National Shrine of San Lorenzo Ruiz o Binondo Church ang mga katekistang patuloy na naglilingkod sa simbahan sa kabila ng nagaganap ngayong krisis pangkalusugan.
Sa pagninilay ni Rev. Fr. Andy O. Lim, kura paroko ng Binondo Church sa Kapistahan ni San Lorenzo Ruiz de Manila sa ika-28 ng Setyembre, pinasalamatan nito ang mga katekistang katulad ni San Lorenzo Ruiz ay patuloy na naglilingkod at nagtuturo bilang katuwang ng simbahan sa kabila ng mga nagaganap ngayon sa kapaligiran.
“Magandang magpasalamat at marapat magpasalamat sa ating mga katekista tulad ni San Lorenzo, tahimik na naglilingkod, tahimik na nagtuturo. Katuwang ng simbahan, katuwang ng mga pari.”, pagninilay ni Fr. Lim
Inihambing pa ng pari ang buhay ng mga katekista sa naging tungkulin ni San Lorenzo Ruiz, na bagamat hindi napapansin ay nananatiling nandiyan upang maglingkod, magturo at mangaral ng mabuting balita ng Panginoon.
“Hindi man napapansin ang mga katekista, pero nananatiling nandyan sila para maglingkod, magturo, mangaral ng mabuting balita. At ‘yan ang naging buhay ni San Lorenzo noong panahon na ‘yun marahil hindi siya masyado napapansin subalit tahimik na naglingkod, tahimik na nagturo.” Pahayag ng pari
Hiniling din ni Fr. Lim para sa mga katekista ang patuloy na pagpapala at kalakasan mula sa Diyos sa pamamagitan ni San Lorenzo Ruiz.
“Kaya salamat po sa lahat ng mga katekista natin ‘di lamang sa Archdiocese of Manila, sa lahat ng sulok ng bansa at nasa ibang bansa man. Sila ang matiyaga na mangaral [at] magpasensya sa mga bata. Patuloy nawa kayong pagpalain at palakasin ng Diyos sa pamamagitan ni San Lorenzo Ruiz.”pasasalamat ni Fr.Lim
Ngayong taon, ipinagdiriwang ang ika-383 anibersaryo ng pagiging martir ni San Lorenzo Ruiz; ngayong taon din gugunitain ang ika-33 taon ng pagkakahirang nito bilang pinaka-unang Pilipinong Santo ng noo’y Santo Papa, St. John Paul II.