828 total views
Mga Kapanalig, kasabay ng malalakas na along dala ng hanging habagat, na hinila ng dumaang Bagyong Gorio noong isang linggo, ang tone-toneladang basurang tumambak sa dalampasigan ng Manila Bay. Ito na siguro ang magandang pagkakataon upang bumalik ang mga taga-lokal na pamahalaan ng Maynila at gawing makatotohanan ang kanilang clean-up drive sa Manila Bay. Hindi na nila kailangang maghulog pa ng basura sa tubig at magpalusong ng mga taong maglalagay ng basura sa sisidlan dahil isang hakot lang, tiyak may basura silang makukuha.
Lagi nating naririnig sa mga balita ang basurang lumulutang sa Manila Bay at inaanod sa dalampasigan ng Maynila tuwing panahon ng tag-ulan. Nakalulungkot na sa kabila ng halos sampung taon nang kautusan ng Korte Suprema sa 13 ahensiya ng pamahalaan upang linisin ang Manila Bay, wala pa ring senyales na maibabalik pa ito sa dati nitong ganda. Sa isang pag-aaral na ginawa ng iba’t ibang environmental groups noong 2014, lumabas na mahigit 1,500 litro ang dami ng basura sa Manila Bay, at 60% nito ay plastic. Sa isa namang pag-aaral ng Ocean Conservancy at McKinsey Center for Business and Environment noong 2015, pangatlo ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming basurang plastic na nakararating sa mga karagatan. Umaabot sa 2.7 million metric tons ang plastic na nagiging basura sa ating bansa bawat taon. Dalawampung porsyento rito ang napupunta sa ating mga katubigan dahil sa hindi maayos na pagkolekta ng basura at sa pagkakaroon natin ng mga open dump sites malapit sa mga ilog. Sinasalamin ng kalunos-lunos na kalagayan ng Manila Bay ang problema natin sa basura sa dagat, at kung mga panakanakang clean-up drive (na ginagawa lamang para sa photo-op) ang solusyon natin sa problemang ito, huwag tayong umasang tunay na malilinis ang ating mga karagatan.
Binibigyang-diin sa mga panlipunang katuruan ng Simbahan ang kahalagahan ng pangangalaga sa ating kalikasan. Bahagi ito ng pananagutan nating itaguyod ang kabutihan ng lahat. Mahalaga ring nakapaloob sa mga patakaran ng isang bansa ang pananagutang ito bilang bahagi ito ng pagtiyak sa karapatan ng bawat isa sa isang kapaligirang ligtas at hindi nakapipinsala sa kalusugan. At marami na tayong batas sa Pilipinas katulad ng Ecological Solid Wate Management Act na naglalayong bawasan ang basurang sumisira sa ating katubigan, ngunit gaya ng maraming batas, hindi naipatutupad nang tama ang mga ito. At dahil tungkulin nating pangalagaan ang ating kalikasan, mahalaga ang pagsunod natin sa mga alituntuning ipatutupad ng ating pamahalaan patungkol sa tamang pagtatapon ng basura. Hindi magtatagumpay ang pamahalaan kung hindi tayo makikipagtulungan. Wala ring silbi ang anumang batas kung ipagpapatuloy natin ang tinatawag ni Pope Francis na “throwaway culture,” isang uri ng pamumuhay na walang pakundangan sa paglikha at pagtapon ng basura.
Mga Kapanalig, pagnilayan natin ang tanong ng ating Santo Papa sa kanyang encyclical na Laudato Si’: Anong uri ng mundo ang nais nating iwan sa susunod na henerasyon, sa mga batang ngayon ay lumalaki? Ito ba ay isang mundong punô ng basura, mga katubigang namumutiktik sa plastic? Nasa kasalukuyang henerasyon ang sagot, nasa mga solusyong ating ihahain at mga hakbang na ating gagawin. At huwag tayong makuntento sa mga panandalian at napupulitikang clean-up drive. Magsimula tayo sa ating mga sarili sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggamit at pagtatapon ng plastic.
Sumainyo ang katotohanan.