369 total views
Nitong Agusto 9 ating inalala ang Indigenous People’s Day. Marami sa atin ang mababa ang kamalayan ukol sa sitwasyon ng mga IPs sa ating bansa. Kamusta na nga ba sila?
Unang una kapanalig, hindi natin malaman kung ano nga ba ang tunay na bilang nila. Base sa report ng TEBTEBBA – Indigenous Peoples’ International Center for Policy Research and Education – walang maayos na datos ukol sa IPs sa bansa, kahit pa naisama ang usaping ethnicity sa 2010 census. Ang mga paunang datos mula sa pamahalaan noon ay nagsasabi na nasa walong milyon ang bilang ng mga IPS kahit pa ayon sa National Commission on Indigenous Peoples, mga 14 million ang bilang nila.
Kung hindi nga natin sila mabilang, paano ba natin mabibigyang atensyon ang kanilang kabuhayan? Makikita natin kapanalig, na maraming IPs sa ating paligid ang humihingi na lamang ng limos, lalo na pagdating ng pasko. Maraming mga Badjao at Ita ang tila iniipon ng mga grupo at dinadala sa mga siyudad upang manlimos. Ito ay isang kalapastangan sa kanilang dignidad, ngunit tila wala tayong magawa dito. Ano nga ba ang kanilang kabuhayan sa mga kanayunan kundi ang pagsasaka, isang industriyang hirap makagulapos sa ngayon dahil sa climate change, kompetisyon, at lumang mga istratehiya at pasilidad?
Ang industriya rin ng pagmimina ay patuloy pa ring nakaka-apekto sa buhay ng maraming IPs sa ating bayan. Ang kanilang mga ancestral territories ay unti-unting nasisira ng mga minahan. Ilang lumad pa ba kapanalig, ang dudulog sa atin upang matigil na ang pagmimina sa kanilang komunidad?
Ang kawalan ng kapayapaan sa maraming lugar sa ating bansa ay malaking banta rin sa buhay at kabuhayan ng IPs. Sila ang naiipit sa mga bakbakan ng militar at ng mga armadong grupo. Isipin naman natin kapanalig, walang kalaban laban ang mga IPs sa baril. Saan sila tatakbo? Lagi na lamang ba sila tatakbo sa takot?
Alam din naman natin kapanalig, na nasa liblib at pusod ng kabundukan o kagubatan ang mga tahanan ng IPs. Mahirap maabot kaya’t kadalasan, hindi na inaabot. Marami sa mga kababayan nating IPs ay hindi pa nakakasalamuha ng doktor o nars kahit minsan sa kanilang buhay. Marami sa kanila, namamatay na walang paunang lunas, liban sa mga dahong inaasahang magpapagaling sa kanilang mga hinaing. Hindi lamang doctor to the barrios ang kanilang kailangan kapanalig, kundi doctors to the boondocks.
Ito ay iilan lamang sa mga isyu na hinaharap ng mga IPs sa ating bayan ngayon. Kapanalig, wala man sila sa mga business centers ng ating bayan, mahalaga ang kanilang papel sa ating lipunan. Sila ay ating mga kapatid na buong tapang na nagpapatuloy ng ating sinaunang kultura at nagbabantay sa ating kalikasan na lagi na lamang nating sinisira. Sila ay ating mga kalahi. Ang pagsasawalang bahala sa kanila ay pagsasawalang bahala rin sa ating sarili. Kapanalig, ayon nga sa Gaudium et Spes: anumang diskriminasyon nagmumula sa kasarian, antas ng pamumuhay, lahi, kulay, o relihiyon ay dapat masupil. Hindi ito ayon sa nais ng Diyos para sa atin.