167 total views
Hindi dapat na ituring na mga subersibo o mapanghimagsik ang mga indibidwal na nagnanais lamang na maisulong ang pangkabuuang pag-unlad, kapayapaan at katarungan sa bayan.
Ito ang pagninilay ni Archdiocese of Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma – Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mutual Relations kaugnay sa kontrobersyal na kasong sedisyon na isinampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa 35-indibidwal na kinabibilangan ng ilang mga Pari at Obispo ng Simbahang Katolika.
Paliwanag ng Arsobispo, hindi dapat na bigyan ng ibang pakahulugan ng pamahalaan ang pagnanais ng ilang indibidwal at maging ng mga lingkod ng Simbahan na maisulong ang pagkakaroon ng tunay na pag-unlad sa lipunan kasabay ng pagnanais ng kapayapaan at katarungang panlipunan.
“Well that is definitely not true saka we know that yung mga pagkilos ng ilang mga tao doon is really for peace and justice and to bring about authentic development for our society so let us not say that they are subversives but they are really for the development of the country…”pahayag ni Archbishop Ledesma sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang binigyang diin ng Arsobispo na walang kredibilidad ang testigo na nagdadawit sa iba’t ibang personalidad at ilang mga opisyal ng Simbahan sa planong destabilisasyon laban sa pamahalaan.
Read: Bikoy, tinaguriang “fake news” ng Arsobispo
Nauna na ring ipinagtanggol at nagpahayag ng suporta ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas at si Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President Davao Archbishop Romulo Valles sa ilang obispo at pari sa pagkakasangkot sa nasabing kaso at ipananalangin ang pag-iral ng katarungan at katotohanan sa lipunan.
Nagpalabas din si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ng panalangin ng suporta sa mga inuusig na pari at Obispo.
Read: Panalangin ni Cardinal Tagle sa mga inuusig, pagkakaisa at kapayapaan