244 total views
Nanindigan ang Sangguniang Layko ng Pilipinas sa patuloy na pagsuporta at pagsunod sa mga lingkod ng Simbahan sa kabila ng hindi pagiging perpekto maging ng mga Pari at iba pang mga pastol ng Simbahang Katolika.
Paliwanag ni Maria Julieta Wasan, Pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas, makasalanan at mayroong sadyang taglay na kahinaan ang bawat nilalang maging ang mga lingkod ng Simbahan kaya’t dapat na suportahan at magsilbing lakas sa kanilang pagtupad sa tungkuling maging mabuting pastol sa mga mananampalataya.
Iginiit ni Wasan na kailangan ng mga lingkod ng Simbahan ng mga katuwang sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo kaya’t hindi naaangkop na ang mga layko ang unang humatol at humusga sa pangkabuuang kredibilidad ng lahat ng mga pastol ng Simbahan.
“Naniniwala ako, makasalanan tayong lahat at tayo man bilang layko ay makasalanan kaya dapat na mas malakas ang ating pagsuporta sa ating mga kaparian sapagkat kailangan nila tayo, kailangan nila ng kakampi at kung tayo mismo ang hahatol sa kanila parang napaka-pangit, so sa atin manggagaling yung lakas na pangangailangan nila…” pahayag ni Wasan sa panayam sa Radyo Veritas.
Naniniwala rin si Wasan na nararapat na makibahagi ang mga layko sa mga gawaing makapagsusulong ng pagpapaangat sa buhay at dignidad ng bawat mamamayan sa bansa.
Binigyan diin ng Pangulo ng Sangguniang Laiko na mahalaga ang pakikilahok ng mga layko sa mga gawaing nagpapahayag ng paninindigan para sa kapakanan ng mga Filipino tulad ng pagbibigay galang at pagpapahalaga sa mga pinaniniwalaan at pinananampalatayaan ng bawat isa.
Tinukoy ni Wasan na ang mga nagaganap na karahasan sa lipunan ay isang hindi magandang representasyon ng pagiging Kristiyano ng mga Filipino.
“Inaasahan ko na ang mga layko ay makikiisa at makikilahok sa mga gawain na talaga namang nagpapababa ng pananaw sa Filipino kung titingnan natin sa ibang bansa parang wala ng dignidad ang bawat Filipino dahil sa mga nangyayari dito sa ating bansa na ultimo Pari ay pinapatay ng nagmimisa, hindi ganun ang Katoliko, hindi ganun ang Filipino kaya dapat lamang na makiisa ang mga layko…” Dagdag pa ni Wasan.
Naninindigan si Wasan na kailangan ng mga lingkod ng Simbahan ng katuwang sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo kaya’t naaangkop na manindigan at gumawa ng kongkretong hakbang ang mga layko para panatilihing sagrado ang pananampalatayang Katoliko.
Ang Sangguniang Layko ng Pilipinas ay binubuo ng iba’t-ibang grupo ng laiko mula sa 86 mga diyosesis sa buong bansa.