205 total views
Mga Kapanalig, nag-viral noong isang linggo sa social media ang larawan ng dalawang footbridge dito sa Quezon City. Ang isa ay ginagawa pa lamang sa EDSA Kamuning, habang ginagamit na ng mga tao ang footbridge na nasa Central-Commonweath Avenue. Kapansin-pansin kasi ang pagkataas-taas na mga tawirang ito, na inilarawan ng ilang netizens na tila raw stairway to heaven o patungong langit na. Ngunit ang mas seryosong puna sa mga footbridge na ito, hindi ito friendly o madaling gamitin ng mga kababayan nating may kapansanan o persons with disability at ng mga buntis, matatanda, at mga bata. Paano nga ba sila makaaakyat sa matatarik na tawirang ito na pinagkagastusan ng milyun-milyon ngunit wala man lang elevator?
Paliwanag ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, ang footbridge sa EDSA Kamuning ay sinadyang taasan dahil sa kinakailangang tatlo hanggang apat na metrong distansya mula sa mga kable ng MRT-3. Para rin lang daw ito sa mga pedestrians na kaya namang umakyat ng footbridge ngunit nakikipagpatintero pa rin sa mga sasakyan makatawid lamang sa EDSA. Nais ng MMDA na maiwasan ang pagkakaroon ng aksidente sa lugar kaya sila nagtatayo roon ng nasabing footbridge. Hindi natutugunan ng paliwanag na ito ang reklamo ng ilan tungkol sa hirap ng pag-akyat sa matarik na tawiran.
Ngunit mga makukulit at pasaway nga bang mga tao ang dahilan ng pagkakaroon ng mga aksidente sa daan? Ayon sa datos na ipinakita sa Euro-Asia Road Safety Forum noong 2016, driver error o pagkakamali ng nagmamaneho, mga sirang sasakyan, at ang masamang kondisyon ng mga kalsada ang nangungunang sanhi ng mga aksidente sa lansangan. Ganito rin ang lumabas sa Global Status Report on Road Safety ng World Health Organization noong 2015. Sinabi sa pag-aaral na 19% o halos dalawa lamang sa bawat sampung insidente ng pagkamatay sa mga daan ay dahil sa maling pagtawid o hindi paggamit ng pedestrian lane.
Kabilang ang pagpapahusay sa road safety o kaligtasan sa mga lansangan sa mga Sustainable Development Goals o SDGs, mga pinagkaisang tunguhin ng mga bansang kasapi ng United Nations o UN. Sa taóng 2020, target na mabawasan nang kalahati ang bilang ng mga pagkamatay na dulot ng aksidente sa daan. Sa taóng 2030 naman, sa pamamagitan ng mga pangmatagalang solusyon sa mga isyung pantransportasyon, hangad ng mga bansang magkaroon ng sistema ng transportasyong ligtas at magagamit ng lahat, at kasama rito ang pagtiyak na makatatawid nang matiwasay ang sinuman—ang mga may kapansanan at karamdaman, mga nagdadalantao, mga matatanda, at mga bata.
Ganito rin ang ipinahihiwatig ni Pope Francis sa kaniyang encyclical na Laudato Si’. Aniya, sa pagdami at paglaki ng mga siyudad, tila nalilimutan nang isaalang-alang ang kalidad ng buhay ng mga tao. Marami ang nakararanas ng para bang pagkakulong sa gitna ng mistulang gubat ng mga nagtataasang gusali at sementadong mga daan. Hindi angkop ang ganitong pamumuhay sa mga lungsod upang maitaguyod ang dignidad ng tao, kaya’t isa sa mahalagang pagtuunan ng pansin ang pagiging makatao ng pampublikong transportasyon at mga lansangan—kabilang ang mga tawiran—dahil malaki ang implikasyon nito sa kalayaang kumilos ng mga tao.
Mga Kapanalig, isa lamang ang disenyo ng mga footbridge sa EDSA at Commonwealth Avenue sa mga sumasalamin sa hindi makataong kalagayan ng ating mga lungsod. Kaya’t hindi dapat ipagwalambahala ng MMDA ang mga puna tungkol sa mga matataas na footbridge. Nawa’y maging malikhain pa ang mga nangangasiwa ng ating mga lansangan at ng trapiko, partikular na ang mga lokal na pamahalaan, upang matugunan ang simple ngunit mahalagang bahagi ng pagtiyak na ligtas at para sa lahat ang ating mga lansangan.
Sumainyo ang katotohanan.