199 total views
Hinikayat ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang mga layko na maging bahagi sa pagpapabuti sa pamamalakad ng simbahan.
Ito ay upang kagya’t na maayos ang hindi tamang pamamalakad o maling gawi ng mga lingkod ng Simbahan kabilang na ang mga Pari at Obispo.
“Kaya ang mga layko dapat may mga access sa mga obispo, superiors kung kailangan talagang may itama sa behavior ng ating kaparian. Siyempre kailangan lang i-distinguish ‘yung tsismis na walang batayan doon sa talagang may katotohanan,” ayon kay Bishop David sa programang Pastoral Visit sa Radio Veritas.
Iginiit ni Bishop David, vice-president ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi binabalewala at walang pagtatakip ang Simbahan sa mga kaso ng mga katiwalian at pang-aabuso na iniuugnay sa mga pari.
“Si Pope Francis, ipinatawag nya ang lahat ng pangulo ng bishops’ conferences all over the world for a consultation on how to act on cases of abuse. We are human institution pero hindi natin ginagawang justification yung pagiging human natin para i-tolerate lang natin ang mga kaso ng abuso within our instititution kailangan talaga ito pro-actively mai-address natin,” ayon kay Bishop David.
Sa isang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte, hinamon nito ang simbahan na magkaroon ng reporma dahil na rin sa mga kasong pang-abuso ng panggagahasa ng isang pari sa isang madre sa India.
Unang sinabi San Pablo Bishop Buenaventura Famadico ng CBCP-Episcopal Commission on Clergy, hindi tumitigil ang simbahan sa pagpapabuti at pagsasaayos ng institusyon may ulat man o wala ng mga pang-aabuso.
Read: Tuloy-tuloy ang reporma sa Simbahang Katolika
“Kung me nakikinig sa ating mga madre and they are in this kind of a situation please don’t hesitate to talk directly to your bishops ‘yun ang advice ko. Don’t be quiet about it. So Dito sa atin wala pa naman tayong gaanong naririnig,” ayon pa kay Bishop David.
Hindi rin isinasantabi ni Bishop David ang posibilidad na magkaroon ng ganitong kaso at kung sakali man ay nangangahulugang hindi nahubog ng maayos ang ganitong uri ng pari.
Culture of Silence
Hinihikayat din ni Bishop David ang mananampalataya na iwaksi ang kultura ng pananahimik.
“Kung minsan mali din ang ating… ‘the culture of silence’. ‘Yung nakakahiya, yung stigma parang kung minsan yung taong naabuso, nadodoble pa ang kaniyang aggravation dahil nahihiya. Ikaw na nga ang biktima, ikaw pa ang mahihiya. Dapat in reality you should find people who would be willing to help you address the issue,” ayon pa kay Bishop David.
Sinabi ng Obispo na nagtatag na rin ang Vatican ng bagong konseho ang ‘Pontifical Council for the Protection of Minors and Vulnerable Adults’.
Layunin nito na tiyakin ang pangangalaga sa karapatan ng mga kabataan at mahihina higit lalu sa loob ng simbahan.
Protection on Minors Meeting
Unang nanawagan at humiling ng panalangin ang kanyang Kabanalan Francisco sa mga mananampalataya sa nalalapit na pagpululong kaugnay sa pangangalaga ng mga bata.
Ang pulong ay sa pagitan ng Santo Papa Francisco kasama ang lahat ng mga pangulo ng episcopal conferences na gaganapin sa Vatican sa ika-21 hanggang ika-24 ng Pebrero.
Nais ng Santo Papa na makalikha ng matibay na pastoral responsibility ang simbahan kaugnay sa kinakaharap na hamon sa simbahan kabilang na ang mga ng ulat ng sexual abused ng ilang mga pari.
Sa ulat ng Attorney General ng Pennsylvania sa us may higit sa 300 lingkod ng simbahan sa may 1,000 kaso ng pang-aabuso sa loob ng 70 taon, habang sa Chile may 80 ang kaso ng pang-aabuso simula noong taong 2000.
Buwan ng Disyembre nang manawagan ang Santo Papa Francisco na hindi na dapat maulit pa ang mga pang-aabuso at hinikayat ang bawat isa na magsagawa ng pagbabalik loob at panalangin bilang pagsisi sa krisis na kinakaharap ng simbahan.