190 total views
Hinimok ng Arsobispo ng Maynila ang mananampalataya na ugaliing isama si Hesus sa bawat paglalakbay ng buhay upang makamit ang minimithi.
Sa pagninilay ni Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle sa Banal na Misa bilang pagsimula sa Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly (MAGPAS), pinaalalahanan nito ang bawat isang dumalo na maging aktibo sa pangangalaga ng Sambayanan tulad ng mga halimbawa ni Hesus.
“Pasakayin si Hesus sa mundo ng pulitika, ang kanyang salita, at mga halimbawa ang paiiralin at makararating tayo sa ating papupuntahan,” bahagi ng pagninilay ni Kardinal Tagle.
Ang pagninilay ng arsobispo ay nakatuon sa nalalapit na halalan sa ika – 13 ng Mayo kung saan ipinaliwanag nito ang tunay na kahulugan ng ‘politics’ o ‘polis’ sa salitang Griyego na ibig sabihin ay komunidad, pamilya o bansa.
Paliwanag ni Kardinal Tagle, napakaganda ang tunay na kahulugan ng pulitika–ang pangangalaga sa sambayanan, nagbubuklod sa bawat mamamayan na magbubunga ng pagkakaisa at kapayapaan.
“Kapag tunay ang pag-aalaga, kapag pag-ibig ang namamayani, kapag kabutihan ng iba at ng pangkalahatan ang inuuna napakaganda ng buhay pulitika,” dagdag ng Kardinal.
Ikinalungkot pa ng Arsobispo na ang biyaya ng ‘politics’ na iginawad ng Diyos ay nagagamit sa hindi mabuting pamamaraan sa halip na pagkakaisa ng mamamayan ay nagdulot ito ng kasiraan at pagkakawatakwatak sa lipunan.
Aniya, ang pulitika sa kasalukuyan ay ginagamit sa pambabanta sa buhay ng iba, napasukan ng korapsyon na sumisira hindi lamang sa institusyon kundi sa mamamayang nasasakupan.
Dahil dito, umaasa si Kardinal Tagle na manumbalik sa bawat isa ang tunay na kahulugan ng pulitika na naglalayong mabigyang kapayapaan at pagkakaisa ang pamayanan.
“Sana manumbalik, sana ma-discover ulit ang daan ng buhay pulitika, bilang daan ng kapayapaan sa ibat ibang ‘polis’ o komunidad,” ani sa pagninilay ng Kardinal.
Nagkaisa ang mga lider ng Simbahang Katolika sa pagbibigay gabay sa mananampalataya hinggil sa nalalapit na halalan dahil nasa mamamayan ang kapangyarihan na makamtan ang pagbabago sa lipunan.
Hinikayat din nito ang bawat nakilakbay sa pulitika na maging marangal at maging instrumento ng kapayapaan sa bawat komunidad na pamumunuan.
Sa tala ng Commission on Elections (Comelec) mahigit sa 60 milyong Filipino ang inaasahang boboto sa ika-13 ng Mayo kung saan 20 milyon dito ay mga kabataan na itinuturing na kasalukuyan ng Simbahan at kinabukasan ng ating bayan.