246 total views
Kapanalig, ang paghihirap na ating dinadanas sa COVID 19 ay maaring maiwasan. Maraming mga akyon at desisyon na maari sana nating nagawa sa simula pa lamang ng pandemya na maari sanang naging susi sa laban sa COVID 19. Hindi na natin kailangan tumingin ng malayo – may isa tayong karatig na bayan na tagumpay hanggang ngayon sa paghawak sa pandemya. Ito ay ang Viet Nam.
Marami na ang nakapansin ng tagumpay nito dahil sila ay naging maagap at proactive sa pagharap sa pandemya. Ayon sa United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA), lahat ng sangay ng kanilang political system ay kanilang inugnay, pati na ang lahat ng aspeto ng kanilang lipunan. Mayroon silang long-term plan kung paano haharapin ang medical emergencies. Kaya nga nitong 21 Mar 2021, 11 sa 13 probinsya nito ay wala ng kaso ng COVID sa loob ng isang buwan. Ayon pa sa report ng WHO, ang lockdowns at social distancing ay naiangat na sa maraming mga probinsya, at nagbukas na ang mga paaralan.
Base sa datos ng WHO noong March 21, 2021, nasa 2,572 lamang ang laboratory confirmed cases at 35 ang bilang ng namatay. Maganda sana tingnan natin kung ano ang kanilang mga programa laban sa COVID. Sa ating bayan kasi, naka-lockdown na naman ang NCR+, at No.1 tayo sa Southeast Asia sa dami ng COVID cases.
Isa pang halimbawa ay ang Taiwan. Mula pa simula ng pandemya, nangunguna na ang Taiwan pagdating sa best practices sa pagharap sa COVID 19. Dahil nga sa maayos na pamamalakad laban sa COVID 19, pito lamang ang namatay dahil dito noong 2020. Bukas na rin ang kanilang mga paaralan, opisina, at mga kainan. Pinapakita ng Taiwan ang galing nila sa health policies pati na rin ang kanilang teknolohiya.
Kapanalig, hindi kailangang tanggapin na wala tayong magagawa laban sa COVID 19. Hindi totoo na dapat lockdowns na lamang ang sagot. Maliban sa ating mahigpit na pagsunod sa health protocols, kailangan din ng ating pamahalaan na maglatag ng maayos na programa laban sa COVID 19. Kailangan pa rin ng mass testing kahit naka lockdown dahil walang saysay ang ating pananatili sa bahay kung hindi natin alam kung saang lugar ang meron pang viral infection. Baka ang katabi mo may COVID na pala, at dahil hindi mo alam, sabay pa kayo sa bahay naglockdown. Kailangan din natin ng maayos na rollout ng vaccination program – mula sa supply, distribution, pati na community awareness programs. Ilan lamang ito sa ating magagawa, dagdag pa sa matinding pagsunod at pagbabantay sa health protocols.
Kapanalig, kailangan nating malaman na hindi lahat ng bansa ay gaya natin na hirap na hirap dahil sa pandemya. Huwag tayong mabulag sa mga pangyayari sa bayan pati na ng mga mabubulaklak na salita ng ating mga pulituko. Maalab ang pag-asa na magtagumpay laban sa pandemya kung ating lamang titingnan ang mga best practices ng ibang bansa na maari nating magamit sa bayan. Kung kaya nila, dapat kaya din natin. Kaya lamang, kulang pa ang ginagawa ng ating nasyonal at lokal na pamahalaan kaya’t napakataas pa rin ang bilang ng COVID cases sa bansa. Sana mabago na ito. Ayon nga sa Mater et Magistra, kapag ang ang estado ay nagkukulang, laging may malaking kaguluhan (When good offices of the State are lacking or deficient, incurable disorder ensues).
Sumainyo ang Katotohanan.